2 sa mga 'nanglimas' sa community pantry dumepensa matapos ma-bash: Hindi kami nagnakaw! | Bandera

2 sa mga ‘nanglimas’ sa community pantry dumepensa matapos ma-bash: Hindi kami nagnakaw!

Ervin Santiago - April 21, 2021 - 10:36 AM

KALIWA’T kanang batikos ang inabot ng isang grupo ng kababaihan na umano’y nanglimas sa mga pagkaing nasa community pantry sa isang lugar sa Pasig City.

Kung anu-anong masasakit at malilisyosong salita ang ibinato sa kanila ng mga netizens matapos mag-viral sa social media ang video ng pagkuha nila ng supply sa community pantry na itinayo sa Barangay Kapitolyo, Pasig City.

Mapapanood sa nasabing video (kuha sa CCTV) ang pagdating ng anim na babae sa lugar at halos limasin nga ang mga nakalagay na pagkain sa lamesa, kabilang na riyan ang dalawang tray ng itlog.

Ang nasabing community pantry ay itinayo ng isang residente na nagngangalang Carla Quiogue na talagang sumama ang loob dahil sa nangyari. Kinumpirma rin ng barangay tanod sa lugar ang pangyayari.

Si Quiogue ang nag-upload sa social media ng CCTV footage ng naganap na panlilimas sa pantry na agad namang nag-viral at umani ng sandamakmak na negatibong reaksyon.

Pahayag ni Quiogue, “Hala, grabe, pati yung dalawang tray ng itlog nawala, pati yung tray mismo.

“Tinawag ko pa nga po sila, sabi ko nakalimutan nila ‘yung lamesa kasi wala na talaga silang tinira. Sabi lang nila, ‘Ibibigay na lang po namin ‘to sa mga kapitbahay namin.’

“Sabi ko sa kanila, ‘puwede namang sila na lang pumunta rito kung kailangan din ng mga kapitbahay n’yo,'” sabi pa ni Quiogue.

At dahil sa matinding pamba-bash at panghihiya na naranasan nila, nagsalita ang dalawa sa mga babaeng napanood sa CCTV. Anila, hindi naman daw tamang husgahan at murahin sila ng mga tao nang dahil sa nangyari.

Sa panayam ng “24 Oras” kagabi, dumepensa ang mga ito at ipinagdiinan na hindi naman daw sila magnanakaw.

Paliwanag ng isa sa mga babaeng nasa video, “Siyempre, nasasaktan po kasi kakaunti lang po din ‘yon. Kaya po namin isoli ‘yon kung ganyan lang din po na ilalabas nila sa social media.”

“Yung kasamahan po namin, masyado na siyang bina-bash na hindi naman po talaga nila alam ang totoo,” sabi pa niya.

Depensa naman ng kasamahan niya, binigyan daw sila ng permiso ng barangay tanod at ni Quiogue na kumuha ng mga pagkain mula sa community pantry para ipamigay na rin sa mga kapitbahay nila.

“Bago kami kumuha, nagtanong pa kami. Ang sabi pa sa amin ng tanod doon, ‘O, sige, okey lang.’ Sabi din sa amin ng may-ari na okey lang. Para naman ‘yan sa karamihan.

“So pag-uwi namin, namahagi din kami. Pasensiya na rin po kasi nga ganoon nga yung naging asal namin, pero lilinawin namin po sa kanila na hindi kami nagnakaw,” diin niya.

Kuwento naman ni Quiogue sa “24 Oras”, may natanggap siyang mensahe mula sa kapitbahay umano ng mga nanlimas sa pantry at sinabing hindi naman daw sila naabutan ng kahit ano.

Ngunit may isang kapitbahay namang nagsabi na nabigyan talaga siya ng pagkain mula sa nasabing community pantry.

“Pagdating nila rito, nag-share sila agad, yung kinuha nila sa community pantry, apat na itlog at dalawang noodles po. Malaking bagay na po para sa amin ‘yon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Sana huwag po natin silang i-bash kasi hindi po nila alam lahat yung totoong istorya,” ang sabi pa ng kapitbahay sa panayam ng GMA.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending