Vico nega sa COVID, muling nakiusap sa publiko: Let’s all do our part…
NEGATIVE ang resulta ng polymerase chain reaction o (PCR) test ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Mismong ang batang alkalde ang nagbalita nito sa publiko sa pamamagitan ng kanyang social media account matapos ngang ma-expose sa taong namatay sa COVID-19.
“Negative ang result ng PCR test ko. Negative din yung nakasama namin sa sasakyan.
“Thank you for your messages and prayers. Let’s all do our part to prevent the spread of this virus and its variants,” ang mensahe ni Vico sa isang Facebook post.
Ngunit kahit na negatibo na ang kanyang COVID-19 test ay tatapusin pa rin niya ang pagse-self quarantine hanggang March 24, bilang pagsunod sa 10-day quarantine requirement ng Department of Health.
Ayon sa naunang pahayag ng alkalde ng Pasig, pumanaw ang kanyang personal driver na si “Kuya Vener” matapos itong magkasakit at tamaan ng killer virus.
At dahil nga isa siya sa mga close contact, kailangan niyang mag-quarantine ng dalawang linggo alinsunod sa safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
“Kasalukuyang ako ay naka-quarantine. Nag-COVID-19 test na ako kahapon bilang ako po ay isang close contact. Strictly susunod tayo sa protocols natin.
“Hindi muna ako makakapasok sa trabaho at kina-cancel ko muna ang appointment o meeting. Kung maaari ay i-Zoom, Viber, text, and phone call muna ang pagtatrabaho,” ang sabi ni Mayor Vico sa kanyang Facebook Live kahapon.
Kuwento pa ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, huli niyang nakasama ang driver last Wednesday bago ito isugod sa ospital at nitong Sabado nga ay ninawian na ito ng buhay.
Ani Vico, si Kuya Vener ay isa sa mga unang staff niya na nakasama niya kahit noong wala pa siya sa politika, “Nu’ng hindi pa ako konsehal at nag-iisa palang siyang staff ko, kaming dalawa yung laging magkasama.
“Sinuyod namin ang mga eskenita’t looban ng Pasig nang kaming dalawa lang. Kwentuhan lang habang nasa sasakyan, mula umaga hanggang gabi,” pag-alala ni Mayor Vico sa pumanaw na driver at kaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.