Liofer waging PBB Connect Big Winner; Jie-Ann tinupad ang pangarap ng mga kababayan sa Saranggani | Bandera

Liofer waging PBB Connect Big Winner; Jie-Ann tinupad ang pangarap ng mga kababayan sa Saranggani

Reggee Bonoan - March 15, 2021 - 01:00 PM

SA panahon ng COVID-19 pandemic at sarado ang ABS-CBN ay naitawid pa rin ng network ang “Pinoy Big Brother Connect.”

Ito ang 15th edition ng “PBB” na umere (via cable) sa Kapamilya Channel at sa free TV na A2Z. Sa tulong din ng Kumu ay marami ring netizens ang nakapanood nito.

At ang nakakatuwa, sa audition pa lang ay daang libo na ang sumali na ibig sabihin ay marami pa ring nangangarap at naniniwala na sa tulong ng “PBB” ang magbabago rin ang buhay nila.

Tulad ng 4th big placer na si Jie-Ann Armero, ang tinaguriang Kwelang Fan Girl ng Saranggani na nakakuha ng 2.66%.

Sa edad na 16 ay nawalay na siya sa pamilya niya at hinarap ang hamon sa loob ng Bahay ni Kuya na unang linggo palang ay nakatikim na siya ng panlalait dahil nga hindi siya naliligo na ang katwiran niya ay hindi siya sanay maligo kasi nga walang tubig sa lugar nila na kailangan pang bumili para makaligo na P12 sa bawa’t container.

At dahil trending noon ang episode na ito at naibalita pa sa “TV Patrol” noong Enero 3 ay nalaman ng local government ng Malapatan, Saranggani ang problema sa tubig sa lugar nina Jie-Ann kaya kasalukuyan na itong tinutugunan ng local officials doon.

Plano ng LGU ng Malapatan, Saranggani na magtayo ng water system gamit ang solar power techonology na aabot sa P60M ang gastos na kasalukuyan ay may naitabing P30 million ng pondo si Mayor Salway Sumbo.

Sa ginanap na “PBB Big Night” virtual mediacon nitong Linggo ng hatinggabi ay natanong si Jie-Ann tungkol dito.

“Super saya ko po nu’ng nalaman ko po ngayon kasi ‘yun po talaga ‘yung problema namin. Ang saya ko po kasi matutugunan na ‘yung problema ng probinsya po namin,” pahayag ng dalagita.

Nagpasalamat din ang mga kapitbahay ni Jie-Ann dahil sa kanya ay na-expose ang problema nila sa tubig at pinanghahawakan naman nila ang pangako ng LGU na mabibigyan na sila ng malinis na tubig soon.

Samantala, natanong din ang bagets kung ano ang pinagsisihan niya noong nasa loob siya ng “PBB” house na sana’y hindi niya ginawa.

“Siguro ‘yung hindi ko pag-speak up in public, hindi ako nagbibigay ng suggestions kasi parang ‘yun ang naging kahinaan ko. ‘Yun ‘yung pinagsisihan ko na sana ginawa ko na lang.

“Pero nandito ako at super proud ako sa sarili ko na nakaabot ako dito (big night) kahit hindi ko nagawa pero binuhos ko na lang sa paggawa ng mga task,” paliwanag ni Jie-Ann.

Napanalunan ni Jie-Ann ang P200,000 bilang 4th big placer at pangarap niyang pumasok sa showbiz at sana’y mabigyan nga siya ng pagkakataon.

Samantala, si Liofer Pinatacan, ang Dong Diskarte ng Zamboanga del Sur ang binoto ng taumbayan na nakakuha ng 20.90% at tinanghal na Big Winner ng “Pinoy Big Brother Connect”. Nanalo siya ng P1 million mula sa Brilliant Skin Essentials at brand new house and lot mula sa PHirst Park Homes.

Si Andrea Abaya naman ang 2nd big placer, ang Cheerdance Sweetheart ng Parañaque, na nagkamit ng 16.60% at may premyong P500,000.

Si Kobie Brown na tinawag na Charming Striker ng Parañaque ay nagkamit ng 3.36% at nakapag-uwi ng P300,000.

Naroon naman upang salubungin sa outside world si Liofer ang kapwa niyang Big Winners sa iba’t ibang edisyon ng “PBB,” kabilang na sina Nene Tamayo, Bea Saw, Ruben Gonzaga, Ejay Falcon, Slater Young, Daniel Matsunaga, Jimboy Martin, at Yamyam Gucong.

Bukod sa pag-anunsyo ng Big Winner ng season na ito, trending din sa Twitter ang world-class performances ng BGYO, ang pagpapakilig ng KarJon at KaoRhys loveteams, at ang muling pagsasama ng “PBB Connect” ex-housemates.

Nagpasaya rin sa viewers sina Charlie Dizon, Denize Castillo, Edward Barber, Francine Diaz, Heaven Peralejo, Jem Macatuno, Maris Racal, Michelle Vito, Nikki Valdez, Nikko Natividad, Pamu Pamorada, Ryan Bang, Tony Labrusca, Vivoree Esclito, Yves Flores, at Zeus Collins.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Richard Juan, Maymay Entrata, Enchong Dee at Kim Chiu ang hosts sa unang virtual Big Night ng “PBB Connect” na sold out ang tickets sa KTX.ph. Mapupunta sa charity ang proceeds ng tickets.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending