Misis ni Rocco ayaw pang magka-baby: Ako gusto ko na talagang magkaanak, pero…
KAHIT kasal na, nagdesisyon ang mag-asawang Rocco Nacino at Melissa Gohing na huwag munang magkaroon ng baby.
Ayon sa Kapuso actor, si Melissa raw talaga ang ayaw munang magkaanak at nirerespeto naman niya ang gusto ng kanyang misis.
“Ako ‘yung gustong magka-baby agad. Si Mel (Melissa) ang gusto pang magtrabaho,” pahayag ni Rocco kamakailan sa panayam ng “Sarap, ‘Di Ba?”
Nais daw kasing mag-focus ngayon ni Melissa sa pagiging volleyball player at sulitin ang lahat ng opportunities na dumarating sa kanya na posibleng hindi na niya magawa kapag may anak na sila.
“Ang sa akin naman, ayoko lang ng may regrets. ‘Sayang naman, hindi ako nakapag-volleyball.’ Ayokong sabihin niya yun pagdating ng araw. I want to give her that also,” ani Rocco.
Dagdag pa ng aktor, “Kapag talagang sawa na siya sa volleyball and she feels na sapat na ‘yung nabigay niya to the sport, doon na kami magbabalak.”
Ibinalita rin ni Rocco na wala pa silang matatawag na “legit” honeymooon ni Melissa dahil nga hindi pa sila makapagplano nang bonggang-bongga dulot na rin ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Pero aniya, nakapag-“mini-honeymoon” naman sila sa Boracay kamakailan. Saka na raw sila totodo sa honeymoon kapag naging safe na ang bansa sa killer virus.
Kumusta naman ang buhay nila ngayon bilang mag-asawa at anu-ano ang ginagawa nilang adjustments ngayong nakatira na sila sa iisang bahay?
“It’s different. Kasi every day makikita mo siya paggising mo,” sabi ni Melissa.
“Finally, we saw how each other sleeps, magkasama kaming mag-CR, magkasama kaming maligo. Gano’n ang buhay mag-asawa, and it’s so much fun kasi every day is always another opportunity for us to learn more about each other,” ayon naman kay Rocco.
Nagpakasal sina Rocco at Melissa noong Enero 21, 2021 na ginanap sa isang Philippine Navy ship.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.