Solenn nag-sorry matapos banatan dahil sa litratong ginamit para sa promo ng art exhibit
NAG-SORRY na ang Kapuso actress-TV host na si Solenn Heussaff sa lahat ng nagalit at na-offend sa inilabas niyang litrato sa social media para sa promo ng kanyang art exhibit.
Inakusahan kasi siya ng ilang netizens na ginagamit ang kahirapan ng ilan nating mga kababayan para makuha ang atensyon ng publiko at mapansin ang kanyang event.
Sa kanyang Instagram page, ipinost ni Solenn ang litrato niyang nakaupo sa isang silyang kahoy habang nasa ilalim ang gawa niyang sosyal na basahan at sa likod naman niya nakalagay ang acrylic painting ng isang tropical paradise.
Nasa background naman niya ang isang tila lumang bahay at sari-sari store.
“Happy to share that after almost 3 years in the making, I will be having my 3rd solo exhibit. Mixing massive acrylic paintings and my new found love for rug designing,” aniya sa caption.
May titulong “Kundiman,” ayon kay Solenn ang nasabing exhibit ay bilang expression na rin niya ng, “love, appreciation and hope for our country and our people.”
Kasunod nito, inulan nga ng batikos ang Kapuso star. Sa comment section, isang IG follower niya ang nagsabing, “You’re a great artist but this photo was done in poor taste. Using poverty to promote your art is very insensitive. Rich people and their poverty porn.”
Komento pa ng isang netizen, “Poverty porn? Is this how u sell ur arts, Miss Solenn?”
Ito naman ang pahayag ni Solenn na isinulat niya sa kanyang Facebook page, “Clearly people are quick to judge. I’ll just share the story when people can see the complete exhibit.”
Aniya pa, “I sincerely apologise and will post when I have the full story na lang.”
Ang ikatlong solo exhibit ng aktres ay magaganap simula sa March 26 hanggang April 24 sa Modeka Art sa Makati City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.