Heart: Nu’ng 21 years old ako, ipinagpalit ang lahat para sa love, ang hirap-hirap!
KUNG mas pinili ni Heart Evangelista ang pag-ibig kesa sa kanyang showbiz career noong kabataan niya, kabaligtaran naman nito ang naging choice ni Maja Salvador.
Sa latest YouTube vlog ni Maja, nakasama niya sa isang masaya at makabuluhang chikahan ang Kapuso actress at fashion icon kung saan napag-usapan nga nila ilang issue sa pakikipagrelasyon.
Sinagot din nila ang tanong ng netizens about jealousy, long distance relationships, kung naniniwala sila sa second chances at kung ano ang mas mahalaga sa kanila — lovelife o career?
Sa tanong na, “Paano magmahal nang hindi nasasaktan,” ito ang pahayag ni Heart, “Mahirap talaga. Ako, kasama na ‘yun doon. But at the same time, hindi lang naman din siya sakit, masaya naman din siya.
“So hindi lang siya masakit dahil sinasaktan ka, mali naman na sinasaktan. Masakit siya because may mga kailangan kang aralin sa sarili mo na, ‘Babaguhin ko ba ‘to? Ano bang gusto ko? Kaya ko bang i-take ‘to?’
“Kumbaga, barometer ang love. ‘Ano ba, tama ba ito para sa akin?’ Doon mo nakilala at doon nade-develop ‘yung character mo as a person. Ibang klase din nagagawa ng love sa life. So whether it was good or it was bad, parang all is fair in love and war,” paliwanag ng misis ni Chiz Escudero.
Dugtong pa niya, “Love wins. Love for yourself wins at the end of the day. Kasi kung hindi ko napagdaanan lahat ng napagdaanan ko, baka hindi rin ako worthy na makasama ‘yung asawa ko ngayon dahil napakabuti rin niya. So it all makes sense.”
Sey naman ni Maja, “Alam mo, baka hindi ka nagmamahal kapag hindi ka nasaktan. Kasi ang love, kakambal niyan ay pain.
“May nabasa nga ako na pipiliin mo kung sino iyong taong worth it para sa mga pain na pagdadaanan mo,” chika pa ng actress-dancer.
Tinanong naman ni Heart si Maja kung naranasan na niya yung ganu’ng klase ng pain, “Totoo iyong sinasabi nila na parang akala mo okay na love ka, ganyan, and then iyon pa iyong, hindi naman traydor. Iyong iiwan ka sa ere. Parang pak! Career first, ganoon.
“Pero kasi, siguro bumalik lang din sa akin kasi di ba ganoon din ginawa ko kay Rambo (Nuñez),” ani Maja na ang tinutukoy ay ang kanyang non-showbiz boyfriend.
Naging magkarelasyon na sila noon ngunit nagdesisyong maghiwalay na lang, “Twenty-one years old ako noon. Pero siyempre iba tayo mag-love. Todo. Pero mas nangibabaw iyong career ko during that time because, siyempre, dati ang hirap kung sino love team mo, iyon dapat.
“Siyempre hindi ko pa ma-push si Rambo that time,” sey ng aktres.
Singit naman ni Heart, “Kasi ayaw mo matulad kay Heart Evangelista no? Nu’ng 21 years old ako, pinagpalit ang lahat para sa love. Ang hirap, ang hirap.”
Hindi niya binanggit kung sino ang nakarelasyon niya noong 21 pa lang siya pero siguradong alam na ng lahat na si Jericho Rosales ang kanyang tinutukoy.
Naikuwento rin ni Maja ang pagbabalikan nila ni Rambo nang may nagtanong kung ano ang saloobin nila tungkol sa mag-ex na gustong magkaroon nh second chance.
“Malaking chance ‘yung nagbalikan kami kasi sobrang okay talaga ‘yung relationship namin noong time na ‘yun. Ako ang may problem noon kasi pinili ko (ang career).
“Kaya I’m very thankful. Grateful ako kasi ‘yung family ni Rambo and even Rambo, ang saya. Parang si Rambo pa nga ‘yung nagbigay ng chance.
“Lagi ko ‘yun sinasabi kay Rambo, ‘Bakit ko siya sobrang mahal?’ Dahil ang laking factor nung grabe akong mahalin nung family niya,” pahayag pa ni Maja.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.