Charlie Dizon hindi pa rin sanay pag tinatawag na best actress: Nakakakilabot pa rin po, nakakaiyak
HINDI pa rin nasasanay ang award-winning Kapamilya young actress na si Charlie Dizon kapag tinatawag siyang best actress.
Mahigit isang buwan na ang nakararaan mula nang manalong best actress ang dalaga sa 2020 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang “Fan Girl” kasama si Paulo Avelino na nanalo namang best actor.
Sey ni Charlie hanggang ngayon ay parang hindi pa rin siya makapaniwala na may award na siya, “Nakakakilabot pa rin po. Actually kapag sa teaser sinasabi na ‘best actress Charlie Dizon,’ iba pa rin po ‘yung feeling.
“Nakakakilabot pa rin po, siyempre kinikilig pa rin ako. Nakakaluha pa rin po,” pag-amin ng aktres sa panayam sa kanya ng “I Feel U”.
At matapos ngang manalo sa MMFF, nagsunud-sunod na ang projects ng dalaga kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya sa ABS-CBN.
“Actually sobrang hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi siya nagsi-sink in po sa akin. Kada may dumarating na project, sobrang thanful ko lang.
“Tina-try ko po talaga ngayon na ayusin ‘yung mindset ko para makapag-focus po talaga na magawa ko lahat ng maayos,” aniya.
“Napapa-thank you Lord talaga ako. Masaya ako siyempre na madaming dumadating. Kahit nakakapagod, iniisip ko pa rin parati na magandang problema ito, magandang pagod ito. ‘Yun ang lagi kong naiisip,” dugtong ni Charlie.
Nangako naman ang aktres na ibibigay niya ang kanyang puso’t kalukuwa sa lahat ng project na ipagkakatiwala sa kanya sa mga susunod na pagkakataon.
“Kapag meron kang big heart, parang lagi kang grateful sa mga dumadating sa ‘yo, lagi mong iisipin din nga na gawin ng tama, gawin ng maganda.
“Mamahalin mo ang ginagawa mo kasi hindi mo rin alam kung kalian dadating ‘yung moment na mare-recognize ka or mababalik sa ‘yo ‘yung kapalit na hinihiling mo for the hard work na ginawa mo,” sey ng dalaga.
Samantala, isa sa mga bonggang project ngayon ni Charlie ay ang upcoming Kapamilya series na “Viral” kung saan gaganap siyang biktima ng isang sex scandal.
Sa teaser ng show, maririnig ang aktres na nagsasabing, “Hindi niyo alam ang buong kuwento. Huwag niyong sukatin ang pagkatao dahil sa napanood niyo.”
“Ako po ‘yung involved sa controversial video na ‘yun. Makikita dito ‘yung journey nung victim, nung family kung paano nila pinagdaanan ‘yun. It’s also about women empowerment din po. Maraming characters ditto na babae na iba-iba yung pinaglalaban,” pagbabahagi pa ni Charlie.
Makakasama rin dito sina Dimples Romana and Jake Cuenca, as well as Jameson Blake, Louise Abuel, Vance Larena, Aljon Mendoza, Markus Paterson, Karina Bautista, Ria Atayde at Kaila Estrada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.