Willie napaiyak sa 60th b-day celebration sa Wowowin: Nami-miss ko ‘yung sigaw n’yo, ‘yung ngiti n’yo
MARAMING pinaiyak na manonood si Willie Revillame nang magbigay na siya ng mensahe para sa kanyang 60th birthday celebration sa “Wowowin” kagabi.
Bago matapos ang programa, ipinalabas ang video kung saan pinagsama-sama ang hindi malilimutang eksena ni Willie kasama ang mga taong natulungan at napaligaya niya, kabilang na nga ang mahal na mahal niyang mga lola.
Base sa naging reaksyon ng mga Kapuso viewers, talagang tumagos sa puso ang nilalaman ng video lalo na ang lahat ng ginawang pagtulong ng TV host-comedian sa mga kababayan nating nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad at ng mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.
Pagkatapos ipalabas ang video, ipinakita si Willie na naluluha na. Pahayag niya, “Nami-miss ko kayo. Nami-miss ko ‘yung sigaw niyo. Nami-miss ko ‘yung mga ngiti niyo. Sana matapos na ‘tong problema natin para maibalik na natin ‘yung dati.
“Nami-miss ko kayo, sobra. Sana bumalik na tayo sa normal, bumalik na kami sa studio, makasama na namin kayo ulit. Kayo ho ang nagdala sa akin dito. Gusto kong ibalik ito sa inyong lahat.
“Balewala ho ang materyal sa buhay ko. Sana Lord, matapos na po itong pandemyang ito para makabalik na kami, makapagpasaya kami araw-araw.
“Gumawa ako ng paraan, kahit na ‘yung ‘Tutok to Win’ para makagawa ng paraan, makatulong sa inyo,” aniya pa.
“I am for the show. Laging for the show ang iniisip ko, hindi para sa akin, para sa inyong lahat. Basta ang importante ho matapos na ‘to.
“Nakabalik na kami pero iniisip ko kayo talaga, ‘yung sigaw niyo, ‘yung doon kayo kumakain sa jeep, naka-wheel chair, ‘yung mga magulang na walang pambili ng gamot,” lahad pa ng TV host na itinuturing na ring bagong bayani ng mga Pinoy ngayon.
Patuloy pa niya, “Sorry, pasensya na kayo. Naging emosyonal ako dahil siguro tumatanda na. Hindi ko na kayo lahat kailangang pasalamatan, ‘yung mga taong tumutulong sa akin, alam niyo kung sino kayo.
“Nawa’y maraming salamat po, especially, pasalamatan ko na ang lahat pero pinakaimportante, Lord, thank you much, ginawa niyo akong tulay sa mga taong may lungkot at pangangailangan. 60 years old na po ako. Sana another 60 years para makapagbigay pa ako ng saya at tulong,” sabi pa ni Willie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.