Nililinis ang labas ng plato at kopa, ngunit puno ng pagnanakaw at karahasan ang kalooban. —pagninilay-nilay sa Ebanghelyo noong Agosto 27, ika-21 linggo sa Karaniwang Panahon, Sim 139:1-3, 4-6
Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan, ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw. —Kawikaan 10:9
KUNG sana’y lumilingap lamang sa walang hanggang naghihintay na Panginoon ang anak ni Corazon Aquino, di siya maliligaw sa tuwid na daan at mas lalong di siya magkakamal ng napakaraming pera ng mahihirap, ng taumbayan.
Ang panlabas ay malinis na plato at kopa na, dahil nakakulong na si Gloria Arroyo, pero ang kalooban ay biglang bumuyangyang sa nagnga-ngalit na taumbayan dahil mismo sa kababuyan ng kanyang mga kaalyado, “puno ng pagnanakaw at karahasan.”
Marahas ang pagnanakaw sa taumbayan. Marahas ang mga baboy ng pangulo. Kailanman, ang namumuhay nang hindi tapat sa taumbayan ay di lalatagan ng kapayapaan at noong Lunes nga ang pagdating at paglalantad ng “balang araw” na sinasabi ng Kawikaan.
Pagkatapos ng martsa, ano? Iyan ang tanong ng mga opisyal na minaliit ang kapos na bilang na isang milyon na dumalo at nagpakabasa sa ulan sa Luneta noong Lunes, araw ng mga bayani.
Nakatuon sila sa bilang para takpan ang diwa. Bale wala ang diwa at hindi na rin pinakikinggan ang mensahe. Tulad ng mensahe ng Luneta hostage, na naganap sa panimula ng panunungkulan ng Ikalawang Aquino.
Tulad ng mensahe ng Mendiola massacre, na naganap sa panunungkulan ng Unang Aquino. Bale-wala ang mga insidenteng ito. Bale-wala ang nasayang na mga buhay.
Bale-wala ang kahihiyang inani ng mga nanunungkulan, ng mga nasa poder. Saan sila humuhugot ng kapal ng mukha? Hindi pa nga raw martsa ang naganap, kundi picnic at pamamasyal sa parke.
Pero, ang picnic at pamamasyal ay nagtulak kay Pangulong Aquino na mangakong ibasura na ang pork barrel. Pero, ang pangako ay hindi isang timbang tubig na magpapalamig sa nag-aapoy na damdamin kapag ibinuhos.
Bagkus, ito’y nagpainit pa, lumawak pa ang sunog at dinilaan na rin ng apoy ang Visayas at Mindanao (pati mga obrerong Pinoy sa ibang bansa ay nakiisa rin at ipinakita ang kanilang galit).
Kunsabagay, sanay na ang taumbayan sa doble kara ng Malacanang. Kinokondena ang mga magnanakaw pero hinirang pang miyembro ng Gabinete ang magnanakaw.
Doble kara rin na ibasura ang pork barrel ng mga senador at kongresista pero ang baboy ng pangulo ay dagdagan pa, patabain pa, dahil wala nang kabusugan ang baboy.
Ang kaalyadong si Koko Pimentel ay nagsabing dagdagan pa at palakihin pa ang kanilang suweldo para di na sila masilaw sa pera at magnakaw. Susmaryosep!
Ang arawang obrero ay may suweldo at maliit ang kanilang suweldo. Ang mga opisyal, na katulad ni Pimentel ay may suweldo, malalaking suweldo, at may sahod pa, malalaking sahod.
Ang nais niya’y dagdagan pa at palakihin pa ang suweldo at sahod para di na sila magnakaw. Tsk, tsk, tsk. Pumutok ang panawagan na gawing minimum wage ang suweldo ng mga senador at kongresista.
Nanlumo ang mga senador at kongresista. Natuwa ang arawang mga obrero sa panawagan dahil naunawaan nila ang panlulumo ng mga senador at kongresista.
Ang arawang obrero ay sanay sa minimum wage. Siyempre, hindi sanay ang mga magnanakaw, ang mga baboy, sa maliit ang suweldo. Hindi sanay ang mga magnanakaw, ang mga baboy sa maliit ang sahod.
Ang arawang obrero ay sa kakarampot na suweldo lang umaasa at wala silang sahod. Kailanman ay hindi sila magkakaroon, o mabibigyan, ng sahod.
Mahal ng Diyos ang mahihirap. Kung nagbabasa lamang araw-araw ang anak nina Ninoy at Cory ng Ebanghelyo at Biblia, mararamdaman niya ang pang-aapi at paghihirap ng dukha; kung ang kanyang binasa ay isinapuso niya at ninamnam ang damdamin ng tunay na Katoliko, ng makapangyarihang lider na may takot sa Diyos.
Kung nagbabasa lamang araw-araw ang mga senador at kongresista ng Ebanghelyo at Biblia, at mataimtim na pinagninilay-nilayan ang mga pahayag dito, mauunawan nila ang tunay na paglilingkod.
Mas lalong magiging dalisay ang paglilingkod kung ito’y nakasunod kay Kristo. Dahil ang sinumang sumusunod sa kanya ay iwinawaksi ang karangyaan, ang kayabangan at ang yamang hindi naman madadala sa hukay.
Mahirap ngang sumunod kay Kristo ang ayaw sumunod. Sasabihin pa ng pilosopong mga senador at kongresista, at isama na rin ang pangulo, na tao lang sila at hindi sila Diyos.
Ang ayaw ay may dahilan. Kung ayaw ninyong sumunod kay Kristo, hindi naman mahirap gayahin ang pamumuhay ni Way Kurat. Ipanalangin natin ang mga magnanakaw at baboy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.