Ilang buwan makaraang pansamantalang isantabi ang edisyon nito para sa 2020, nagbabalik ang Binibining Pilipinas pageant, at itinakda ang coronation night nito sa Abril 17.
Inilabas ang pahayag noong Enero 22 sa isang online discussion sa opisyal na Facebook page ng patimpalak, kung saan nilunsad ang national costume photo exhibit, na nagsilbing hudyat na umaarangkada nang muli ang pangunahing beauty pageant sa bansa.
“I am happy to announce that the Bb. Pilipinas Charities Inc. is all set to continue with the pageant this year…see you all on April 17, 2021, for the [Bb. Pilipinas] Grand Coronation Night,” nakasaad sa pahayag ng chair na si Stella Marquez-Araneta na binasa ni Bb. Pilipinas International Bea Patricia Magtanong.
Idaraos umano ang patimpalak “in a ‘new normal’ and safe setting,” pagpapatuloy pa ng pahayag.
Naunang itinakda ang coronation night ng 2020 Bb. Pilipinas pageant noong Abril 26 ng nagdaang taon, at inilipat sa Mayo 31 nang magpatupad ng quarantine ang pamahalaan upang maampat ang pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Ngunit nang patuloy pa ring umiral ang lockdown ilang linggo bago ang itinakdang araw ng finals, hinayag ng BPCI ang “indefinite postponement” ng patimpalak.
Samantala, inanyayahan din ni Araneta ang mga tagasubaybay ng Bb. Pilipinas na makiisa sa pagdiriwang ng “colorful culture and our talented local designers” sa pamamagitan ng national costume photo exhibit.
Ngayong taon, nagpasya ang BPCI na sa dalawang lugar maglagay ng exhibit. Makikita ito sa activity area ng Gateway Mall sa Araneta City sa Quezon City hanggang sa Enero 31. Ililipat naman ito sa upper ground floor ng Ali Mall, sa Araneta City rin, mula Peb. 1 hanggang 14.
Binuksan ni Magtanong ang exhibit sa Gateway Mall, at ipinakita sa virtual na paglulunsad noong Enero 22 ang mga life-size na larawan ng mga kalahok suot ang kanilang mga national costume, at kinunan ng photographer na si Raymund Saldaña.
Pinangunahan din ni Magtanong, na nagtapos sa Top 8 ng 2019 Miss International pageant sa Japan, ang isang online discussion kasama si Bb. Pilipinas Intercontinental Emma Mary Tiglao at dalawang iba pang panelista, kung saan tinalakay nila ang bawat isang costume na tampok sa exhibit.
Apat na titulo ang nananatili sa Bb. Pilipinas pageant, makaraang makuha ng ibang pangkat ang prangkisa ng Miss Universe, at malipat sa Miss World Philippines Organization ang lisensya ng Miss Supranational.
Isasalin nina Magtanong at Tiglao ang mga korona nila, kasama sina Bb. Pilipinas Globe Leren Mae Bautista at Bb. Pilipinas Grand International Aya Abesamis.
Nauna nang naisalin ni Bb. Pilipinas Gazini Ganados ang korona niya sa hiwalay na Miss Universe Philippines pageant na itinanghal ng ibang grupo noong Oktubre. Samantala, hindi pa batid kung mabibigyan ng pagkakataon si Bb. Pilipinas Supranational Resham Saeed na makapagsalin ng titulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.