Kaori nagpa-house tour sa Japan; salamin sa banyo may malaking papel sa kanyang buhay
Saksi ang salamin sa banyo ng bahay ni Pinoy Big Brother Otso finalist Kaori Oinuma sa Japan kapag may mga ginagaya siyang arte sa mga teleseryeng napapanood niya sa TFC.
Ito ang pambubuking ng dalaga sa sarili nang ipakita niya ang maliit nilang banyo sa apartment kung saan sila nakatira ng mama niyang Pinay.
Kasalukuyang nasa Japan ang PBB Otso alumna kung saan inabutan siya ng Covid-19 pandemic. At dahil naging abala siya noong nandito siya sa Pilipinas, iilan pa lang ang uploaded videos niya sa kanyang YouTube channel at isa na rito ang pa-house tour niya na ipinakita niya sa kanyang 298k na subscribers.
Studio type ang bahay nina Kaori at ng mama niya sa Japan. Ayon sa kanya ay nasa probinsya sila pero hindi niya binanggit kung anong lugar. Doon na sila nakatira simula pa noong 2013 na nag-aral siya sa high school.
Una munang ipinakita ng dalaga ang tabing-ilog na nasa harapan ng bahay kung saan mahilig silang tumambay ng tropa niya habang naglalaro ng Minecraft, Pokemon Go. “Dito lang kami, chill-chill lang kasi bawal naman ako lumabas-labas kasi meron akong mama na istrikto,” kuwento ni Kaoiri.
Inamin ni Kaori na maliit lang ang bahay nila. “Hindi ganu’n kalaki ‘yung bahay namin kasi dalawa lang naman kami ni Mama and kung lilipat kami naisip namin sayang ‘yung bayad. So ‘yung ipambabayad namin ng apartment na malaki, eh ‘di ipapadala ko na lang sa mga kapatid ko, sa mga pamilya ko sa bahay sa Cabanatuan sa Nueva Ecija sa Pilipinas. So dito kami nakatira since 2013.”
Pagpasok ng bahay ay kaagad ipinakita ng dalaga ang lagayan ng sapatos (nakagawian na sa Japan na iniiwan ang sapatos bago pumasok sa loob ng bahay), ang washing machine, maliit na kusina na pawang basic ang gamit. Sinabi niya na nagluluto siya ng baon noong nasa senior high school pa.
“Ito ‘yung baunan ko, Bento, gumigising ako ng 5AM para magluto ng egg, sausage, potatoes, cucumber ganyan,” balik-alaala ni Kaori.
Ipinakita rin niya ang banyo nila na maliit at nabanggit niyang, “Nu’ng hindi pa ako nag PBB, dito (salamin) ako nagpa-praktis umarte, parang nagbabato ako ng linya rito mula sa mga teleseryeng nakikita ko. Saksi ‘tong salamin na dito ako nagpa-praktis noong bata ako sa pag-arte ko.”
Pumasok na sa kuwarto na ang dibisyon sa kusina ay kurtina. “Pagpasok mo ayan si Mama Mary. Dito kasi parang may tradition sa aming mga Filipino pagka-second Sunday of the month, naga-gather kami tapos mag-ro-rosary. Iba-ibang bahay. Itong apartment (hilera) lahat kami Pilipino tapos ililipat si Mama Mary tapos konting handaan ganyan.”
Ipinakita rin ng dalaga ang cabinet nila pero hindi ipinakita ang loob dahil makalat. Sunod ang higaan ng ina na dahil nag-iisa noon kaya kutson at unan lang ang gamit nito.
Anyway, sa mga supporters ni Kaori ay maaring panoorin ang kanyang YouTube channel para sa kumpletong house tour niya.
Sa kasalukuyan ay wala kaming balita kung kailan babalik ng Pilipinas si Kaori na miyembro ng Rise Artists Studio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.