Bakit biglang naiyak si Maine nang kumanta ang isang guest sa Bawal Judgmental?
Siguradong maraming na-touch at naka-relate sa naging usapan sa “Bawal Judgmental” kung saan ang naging choices ay mga nabiyudo sa edad na 35 o mas bata pa.
Sa katunayan, kahit ang “EB” host na si Maine Mendoza ay hindi napigilan ang maluha nang kantahin ng isa sa mga choice na si Danny ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.”
Pinuri naman si Maine at si Wally Bayola ng mga manonood dahil sa maayos na paghawak nila sa segment dahil nga medyo sensitibo ang topic sa “BJ”. Comment ng isang netizen, “Good job Maine and Wally. Great hosting for today’s #BawalJudgmental kahit sobrang heartbreaking ng topic.”
Pumanaw ang asawa ni Danny nitong nagdaang Dec. 29, 2020 matapos ma-diagnose ng Stage 4 cancer noong October. Ang tinutukoy ni Danny ay ang misis na si Lorna na lumabas na rin sa “Bawal Judgmental” noong Nov. 9, 2019, bilang isa sa choices na may dyowang mas bata sa kanya nang maraming taon — 67 si Lorna habang 33 naman si Danny that time.
Maluha-luhang nagkuwento si Danny kung gaano kasakit ang mamatayan ng asawa, “Dahil po kasi nagkaroon ng pandemic. ‘Yung sintomas, hindi naman kaagad lumalabas, na-diagnose po siya noong October, gastric carcinoma Stage 4 cancer po.”
“Masakit dahil nakasama mo siya ng eight years bilang mag-asawa. Dagdagan pa natin ng seven years noong magsimula kami maging mag-bestfriend.
“Masakit bilang tao, kasi mahal na mahal mo kasi. Kasi kahit malayo ‘yung edad niya sa akin, pero sabi ko nga malapit siya sa puso,” lumuluhang pahayag pa ni Danny.
Hiningan naman ni Jose Manalo si Danny ng mensahe para sa lahat ng mga tulad niyang nakaranas din ng ganitong kasakit na pagsubok.
“Siyempre nakikita kong mensahe sa akin na at para din sa lahat na kung tayo ay magmamahal dapat po ibigay natin ‘yung the best para sa kanila.
“Kasi kapag ang isang tao ay pinagpahinga na po ng Diyos, e, doon na po nag-i-stop ‘yung kanyang buhay, pero siyempre mayroon pa rin buhay sa darating.
“Pero bilang nandiyan pa rin po sila, kapiling natin sila: maging asawa man o anak or maging sino man siya, kung meron man sila pagkukulang e, dapat po patawarin natin and then at the same time, habang kasama pa natin noong buhay, e, iparamdam natin, ipakita natin sa kanila ‘yung pagmamahal na dapat para sa kanila.
“Kasi, kapag ang tao po ay pumanaw na, tapos na po ‘yung kanyang paggawa niya sa pagkakataon na ‘yun,” sabi pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.