Joey agree kay Vergeire: Basta may FDA approval na, wag matakot, makibakuna!
“BASTA may FDA approval, WAG MATAKOT, MAKIBAKUNA!”
Yan ang panawagan ng veteran TV host-comedian na si Joey de Leon sa isasagawang mass vaccination sa bansa kontra COVID-19.
Naglabas ng kanyang saloobin si Joey tungkol dito matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na huwag nang maging choosy ang mga Filipino sa brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.
Bukod pa rito ang isyu tungkol sa naging statement ng Palasyo na ang Sinovac ng China ang unang vaccine na ide-deliver sa bansa na kinukuwestiyon naman umano ang pagiging epektibo sa pagkontrol at pagpigil sa pagkalat pa ng COVID-19.
Ang paniniwala naman ni Joey kapag inaprubahan na ng Food and Drug Administration o FDA ang bakuna kahit pa ano pang brand yan ay tiyak na safe nang gamitin.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang komedyante na litrato ng isang piling ng saging. Isa rito ang ihiniwalay at sinulatan ng logo at initials ng sikat na fashion brand na Louis Vuitton.
“Yung iba ang tingin sa mga brands ng bakuna ay parang Chanel, Louis Vuitton, etc,” caption ni Joey sa kanyang IG post.
Sinundan pa ito ng quote ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire tungkol sa magaganap na mass vaccination sa bansa.
“TANDAAN: Ang importante basta inaprubahan ng Food & Drug Administration (FDA), equal footing o pare-pareho na mga yan, effective at safe.
“Ang pinakamaayos magpaliwanag tungkol dyan para sa akin ay si Dr. Maria Rosario Vergeire. Basta may FDA approval na, WAG MATAKOT, MAKIBAKUNA!”
Sa isa pa niyang post sa IG, muling ipinagdiinan ng isa sa mga host ng Kapuso noontime show na “Eat Bulaga” ang sinabi ni Vergeire sa isang panayam hinggil sa iba’t ibang brand ng bakuna.
“Pag lumabas sa FDA with EUA we are assuring you na ligtas ‘yan at ito ay epektibo sa inyo. Hindi kailangan mamili.
“Pantay pantay na po ‘yan pag dumaan sa FDA. Pare-pareho pong ligtas at pare-parehong efficacious.
“So pag dumating po ang bakuna hindi pwedeng sabihin ng isang health care worker na ayoko n’yan.
“If he does that, dahil may informed consent naman, hindi pipilitin pero they would have to go to the bottom [end] of the line,” ang pahayag ng opisyal ng DOH.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.