PhilHealth, SSS at ABS-CBN franchise bill | Bandera

PhilHealth, SSS at ABS-CBN franchise bill

Atty. Rudolf Philip B. Jurado - January 07, 2021 - 09:00 AM

Simula January 1, 2021, ang premium rate na babayaran ng miyembro ng PhilHealth ay tataas sa 3.5% mula sa dating 3%. Para naman sa mga miyembro ng Social Security System (SSS), tataas din ang premium rate ng SSS sa araw na ito mula 12% ito ay magiging 13%. Sa mga manggagawang kababayan natin, pati na sa mga maliliit na negosyante na ngayon ay naghihirap at naghihikahos dulot ng pandemyang Covid-19, ang sabay ng pagtaas nito ay tiyak na magdudulot karagdagan sa kanilang kahirapang dinadanas.

Maraming nanawagan, kasama na ang ilang mambabatas, na isuspindi na muna ang pagtaas ng premium rate ng PhilHealth at SSS dahil sa nagaganap na Covid-19 pandemic at hindi pa nakaka-recover ang marami sa financial impact nito. Dagdag pa ng ilan na walang karapatan magtaas ng premium rate ang PhilHealth dahil sa mga iskandalong kinasangkutan nito noong nakaraang taon.

Ang pagtaas ng premium ng PhilHealth at SSS ngayon sa panahon ng Covid-19 ay hindi kasalan ng PhilHealth at ng SSS o ng mga liderato nito. Hindi din dapat ito isisi sa Kongreso dahil hindi din naman ginusto at sinadya ng ating mga mambabatas na itaon ang pagtaas ng rate sa panahon ng pandemya.

Ang RA 11223 o mas kakilala sa tawag na Universal Health Care Act, ay naisabas noon pang 2018. Dahil sa kinakailangan itaas ang pondo ng PhilHealth upang matugunan ang ipapairal na universal health care sa buong bansa, itinakda sa batas ang gradual increase ng premium rate na nagsimula noong 2019. Para sa taong ito, ipinag-utos ng batas na itaas ang premium sa 3.5% simula January 1, 2021.

Ang RA 11199 (Social Security Act of 2018) naman ay naisabatas noong 2019. Dahil din sa pangangailangan ng sapat na pondo upang tustusan ang pangmatagalang (long term viability) social security system, itinakda ng batas na ito na itaas ang premium rate sa 13% mula sa 12% pagsapit ng January 1, 2021.

Dahil dito, ang PhilHealth at ang SSS at ang governing boards (Board of Trustees) nito ay walang magagawa kung hindi itaas ang kanilang premium rate alinsunod sa tinakda ng batas. Walang batas na nagbibigay kapangyarihan sa mga governing boards (Board of Trustees) ng PhilHealth at SSS upang pigilan ang pagtaas ng premium rate. Maski ang Pangulo, kontra sa paniwala ng ilan, ay wala din magagawa upang suspendihin ang pagtaas ng premium rates ng PhilHealth at SSS. Walang batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na gawin ito. Ang batas ang nagtakda ng pagtaas ng mga premium rate ng PhilHealth at SSS kaya tanging batas lamang ang pwedeng makapagbago o makapagpigil nito. Batas na ginawa at pinasa ng Kongreso ang nagtakda ng mga nasabing premium rates at tanging batas na gagawin at ipapasa lamang ng Kongreso ang pwedeng magpatigil, magbago at magbawi dito. Kaya klarong hindi maaaring ipag-utos ng Pangulo, maski sa pamamagitan ng isang executive order, ang pag-suspindi ng pagtaas ng premium rates ng PhilHealth at SSS dahil tanging Kongreso lamang ang pwedeng makagawa nito sa pamamagitan ng pagpasa ng isang batas. Walang duda na ang pagsuspindi o pansamantalang pagpigil sa pagtaas ng premium rates ng PhilHealth at SSS ay ang tamang gawin ng PhilHealth at SSS. Malaking bagay at tulong ito sa nakakarami ngunit ito ay dapat gawin ayon sa batas.

May mga panukalang batas (bill) na naihain sa Senado at Kamara (House of Representatives) kung saan naglalayon ipatigil o isuspindi muna ang pagtaas ng premium rates ng PhilHealth at SSS. Ang ilan ay upang bigyan kapangyarihan ang Pangulo para ipatigil o suspindihin ang pagtaas ng premium rate. Tila wala naman kumokontra sa mga panukalang batas na ito kaya mukang madali naman itong maisasabatas lalo na’t kung ito ay magiging certified bill.

——————-

Noong Lunes, naghain si Senate President Vicente Sotto ng Senate Bill No. 1967 na naglalayon bigyan o renew ang franchise ng ABS-CBN sa loob ng 25 years. Agadan naman itong sinuportahan ng nakararaming senador.

Atin tandaan sana na ang ABS-CBN franchise bill ay isang private bill na ayon sa constitution ay dapat magmula sa Kamara (House of Representatives). Dahil dito, ang Senate Bill No. 1967 ay hindi pwedeng talakayin, pag-usapan, pag-debatihan at ipasa ng Senado habang wala pang ABS-CBN franchise bill na naipasa ang Kamara at naipadala sa Senado.

Nagsabi na si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto na maghahain ito ng panukalang batas sa Kamara para sa ABS-CBN franchise. Sa usaping ito, makikita, masusubukan at malalaman ng taong bayan ang independent at leadership quality at style ni Speaker Lord Allan Velasco.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Huwag lang sanang makialam ang Malacanang tungkol sa isyung ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending