Credit card ni Sen. Win Gatchalian na-hack; P1M na pagkain inorder sa foodpanda
May pa-lauriat nga ba si Senator Win Gatchalian sa buong barangay?
Na-hack ang credit card ng senador nitong Martes at umaabot sa P1 milyong halaga ng pagkain ang inorder sa mobile food delivery service na foodpanda.
“May nag-order ng P1M worth of food sa foodpanda in less than an hour. Ano yan, lauriat para sa buong barangay???” wika ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na nakatanggap siya ng security alerts, kabilang na sa email, mula sa UnionBank nitong Martes pero hindi niya napansin ang mga ito dahil dumadalo siya ng pagdinig sa Senado.
“At yong unang email na nakuha ko, upon reviewing, ay merong nagtangkang palitan ‘yong phone number,” wika ng senador sa panayam ng programang Usap tayo: Super kwentuhan with Mark & Susan sa Dobol B sa News TV.
Sa nasabing phone number nakarehistro ang kanyang credit card at doon dapat ipinapadala ang one-time PIN o OTP kung may online transaction.
At dahil napalitan ang phone number ng kanyang credit card, nagawa ng hacker na gamitin ito.
“Bandang huli meron akong isang transaction na nakalusot at sa foodpanda, worth about P60,000. Nagduda ako at tinawagan ko ang UnionBank,” wika niya.
Kaagad umanong inimbistigahan ito ng bangko at nadiskubreng umaabot na sa P1 milyon ang inorder ng hacker sa foodpanda. Dini-activate na rin ang credit card.
Sa screenshot na ipinost ni Gatchalian, makikita ang apat na transaksyon na nangyari mula 4:47 ng hapon hanggang 5:49 ng hapon noong Martes.
Hindi ubos-maisip ng senador kung gaano karaming pagkain ang naorder ng hacker.
“Kung P1 milyon ‘yon paano mo yon idedeliver? Pangalawa, ang dami mong papakainin non,” ani Gatchalian.
Ang unang transaksyon ay nagkakahalaga ng P96,000, mahigit sa P323,000 sa ikalawa, lagpas sa P356,000 sa ikatlo, at mahigit P300,000 sa pang-apat na transaksyon.
Sinabi ni Gatchalian na mahalagang madagdagan ang mga security measures ng bangko lalupa at marami ang umaasa sa online transaction ngayon.
“Sa panahon ng pandemya kung saan laganap ang online purchases, kailangang masiguro na mapoprotektahan ang ating mga kababayan at magagawang mas ligtas ang mga transaksyon,” wika niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.