Premyadong direktor kinatatakutan ng artista; ayaw sa mabagal at pasaway
IPINAGMAMALAKI ng premyadong direktor na namumukod-tanging ang production team niya ang hindi tinamaan ng COVID-19 habang nasa lock-in shooting outside Metro Manila.
Sumunod sa health protocols ang buong team ng premyadong direktor na 14 days quarantine bago nagpa-swab at tumuloy sa location. Muli silang nag-quarantine at nagpa-swab bago umuwi sa kani-kanilang tahanan ang lahat pati mga artista.
Bukod dito ay zero COVID-19 case rin sa lugar kung saan ginawa ang entire shoot ng pelikula kaya walang dahilan nga naman para magkaroon sila ng virus.
Mabait kausap ang premyadong direktor pero disciplinarian siya sa set at gamay na siya ng production staff na lagi rin naman sila ang kinukuha ni direk sa lahat ng kanyang proyekto.
Actually, medyo suplado nga ang premyadong direktor dahil kapag hindi niya kilala ang mga gustong sumosyo sa mga project niya ay maayos niya itong tinatanggihan.
Tinanong namin ang mga artistang nakatrabaho na ng premyadong direktor at iisa nga ang kuwento ng lahat, perfectionist at ayaw ng mabagal dahil gusto nitong matapos kaagad sila sa mga eksena para makapagpahinga ang lahat sa tamang oras.
Ano naman ang masasabi ni “direk perfectionist” sa mga artista niya, “May artista akong takot sa akin kasi gusto niyang patunayan ang acting talent niya. Mabait ako sa gustong magpakita ng talent nila at sa magagaling.”
Susme, kaya naman pala piling-pili ang mga artistang gustong makatrabaho ng premyadong direktor dahil ayaw niya sa mga pasaway at walang talent.
Kaya sa mga hilaw umarte, huwag muna ninyong pangaraping makatrabaho ang premyadong direktor kung ayaw ninyong masigawan at mapauwi. Ha-hahaha!
Pero sa totoo lang, ang daming nakatrabaho ng premyadong direktor na mga baguhang artista noon na ngayon ay pawang mga best actor at best actress na.
Anyway, may kilalang artistang gusto pang makatrabaho ang premyadong direktor pero iniisipan pa niya kung anong istorya ang babagay dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.