TUMAYO sa plenaryo ng Kamara Martes ng hapon si Compostella Valley Rep. Maria Carmen Zamora upang ipagtanggol ang kanyang amang si dating kongresista at ngayon ay Vice Governor Manuel ‘Way Kurat’ Zamora sa maling ulat ng Commission on Audit. Kasabay nito, nanawagan si Abakada Rep. Jonathan dela Cruz na i-impeach si CoA chairman Ma. Grace Pulido Tan matapos na maglabas ng hilaw na report na siyang ugat ng mga maling akusasyon kay Way Kurat. Sinabi ni Rep. Zamora na sinira ng ulat ng COA ang pangalan ng kanyang tatay na kinamulatan ng marami bilang hardinero ng Kamara dahil sa pagtatanim nito ng kalamansi roon. “Kung totoong tumanggap po ang tatay ko ng P3 bilyong para sa aming distrito, bakit pa kami nagmamakaawa sa inyo para tulungan kaming makabangon sa hagupit ng bagyong Pablo? Kaliwa’t kanan po ang ginagawa naming paghingi ng tulong para sa aming mga kababayan sa ComVal. Hindi siguro kailangang gawin ito kung natamasa ng aming distrito ang P3 bilyong iyan,” ani Rep. Zamora. Sinabi ng Department of Budget and Management na nagkaroon ng clerical error kaya napunta ang P3 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways sa pangalan ni Way Kurat. “Even as I am certain that the truth will bear us out, as a daughter, I have been deeply hurt by the carelessness in the preparation, handling ang dissemination of this report. My father was not notified by the audit nor did the COA even attempt to coordinate its audit through my office—even though it is not secret that I am my father’s successor.” Tumayo naman si dela Cruz at sinabi na hindi pulido ang pagkakagawa ng report ng COA kaya maraming lumabas na mali rito. Kaya dapat umanong papanagutin si Pulido-Tan. Dapat umanong magbitiw na si Pulido-Tan at kung hindi ay maaari siyang sampahan ng impeachment complaint.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.