2 lola patay sa sunog sa Tondo
Patay ang dalawang lola sa sunog na naganap sa Moriones Street sa Tondo, Maynila ngayong Huwebes.
Nagsimula ang sunog pasado alas 3:30 ng madaling araw.
Nang mapasok ng mga tauhan ng Manila Fire Bureau ang bahay na natupok, unang natagpuan ang isang matandang babae na na-trap sa loob.
Sumunod ay nakita na rin ang katawan ng isa pang matandang babae.
Una nang iniulat ng kaniyang mga kaanak na na-trap sa loob ng bahay si Flor Hernandez, 88 anyos, at kaniyang kapatid na babae at hindi na nila ito nagawang balikan.
Sugatan naman ang lolo na si Santiago Hernandez.
Sa pahayag ni Lolo Santiago, sinubukan pa niyang iligtas at buhatin ang kaniyang misis na si Flor, pati na ang kapatid nito para ilabas pero hindi niya kinaya dahil maging siya ay may edad na.
Alas 4:24 ng madaling araw nang maideklarang under control na ang sunog.
Umabot sa tatlong bahay ang nasunog at may mga nadamay ding sasakyan na nakaparada sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.