Neil ‘Gwapulis’ Perez bugbog-sarado sa netizens matapos ipagtanggol ang PNP: Wag hugas-kamay
BINANATAN ng mga netizens ang pulis at model-actor na si Neil Perez matapis ipagtanggol ang pamunuan ng Philippine National Police sa bagong kontrobersyang kinasasangkutan ng ahensiya.
Ito’y may konek pa rin sa brutal na pagpaslang ng kapwa niya pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay nila sa Paniqui, Tarlac.
Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ng tinaguriang “Gwapulis” na si Neil o Mariano Perez Flormata, Jr., na isang police staff sergeant ng PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) nang mag-post siya ng mensahe para ipagtanggol ang pwersa ng PNP.
Ayon kay Neil, na nanalong Mister International noong 2014 na ginanap sa South Korea, huwag sanang kondenahin ng publiko ang buong PNP dahil hindi naman daw lahat ng pulis ay tulad ni Nuezca.
Nais niyang ipahiwatig na unfair sa matitinong pulis na ihalintulad sila kay Nuezca na walang awang pumatay sa mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, nang dahil lang sa personal na alitan.
Sa kanyang Instagram page, nag-post ng art card si Neil ng silhouette ng isang pulis na may nakasulat na, “Hindi kaming lahat ang pumatay sa kanya. —Uniporme at tsapa” na sinamahan pa ng 13 male cop emojis.
Hindi ito nagustuhan ng mga netizens at tinawag pa siyang “insensitive” at “nakakadiri”. Malinaw daw na isang paghuhugas-kamay ang ginawa ng pulis at model-actor sa double murder case na isinampa sa kabaro niyang si Nuezca.
Sa halip daw kasi na makiramay at makisimpatya sa mga naulila ng pinaslang na mag-ina ay inuna pa niya ang pagdepensa sa PNP.
May nagsabi naman na mukhang hindi aware ang “Gwapulis” sa umiiral na “police brutality” sa bansa.
Sey naman ng isa pa niyang IG follower, hindi siya dapat naghugas-kamay sa issue at ipagtanggol ang kanyang mga kapwa pulis, “Sana ginamit mo na lang ang influence mo at yang socmed mo para hindi na maulit pa ang nangyari sa mag-ina.”
Samantala, mukhang naapektuhan at nahimasmasan naman si Neil sa mga patutsada ng mga netizens kaya sa kanyang Instagram Stories, muli siyang nag-post ng art card.
Makikita rito ang caricature (pirmado ng ShaiXArt) ng mag-inang Sonya at Anthony Gregorio na nakangiti habang nakikipagkamay sa kanila si Nuezca kasama ang anak nitong babae.
Nakasulat sa art card ang mga katagang, “WHAT IF…” na ang ibig ipahiwatig ay hindi na sana nauwi sa madugong insidente kung nag-usap na lang sana nang maayos ang suspek at ang mga biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.