Ogie Diaz kay Nadine: Kung ayaw mo na sa Viva mag-settle kayo, bayaran mo ‘yung kontrata mo…
MAY payo ang kilalang talent manager-comedian na si Ogie Diaz kay Nadine Lustre na may kinakaharap na legal battle ngayon.
Idinemanda siya ng kanyang talent management na Viva Artist Agency dahil sa umano’y paglabag nito sa kanilang kontrata na tatagal pa hanggang 2029.
“Kung ayaw mo na talaga pumunta ka sa Viva, mag-settle kayo, kasi may amicable settlement naman yan. Para babayaran mo ‘yung years ng kontrata na hindi mo pa napagtatrabahuan, so buy out mo,” payo ni Ogie kay Nadine.
Dagdag pa ng komedyante at vlogger, “Alam n’yo ako naniniwala na nasa pag-uusap ‘yan na kunwari nagpaalam si Nadine Lustre sa Viva na ‘aalis na po ako, baka puwede ninyo ako i-release.’
“Kung ini-release si Nadine, kukuha ngayon siya ng release order or release letter na siya ay pinakakawalan na at wala ng anumang koneksyon sa Viva. E, wala namang ganu’n. Nag-e-exist pa rin ang contract niya sa Viva.
“Kasi kilala ko si Veronique del Rosario saka si Boss Vic (del Rosario), matinong kausap naman sila, in fairness kasi ilang beses ko na silang nakaka-deal, matinong kausap ‘yang mag-ama na ‘yan saka si boss Vincent (del Rosario).
“At ang paniniwala ni boss Vic, maliit lang ang mundo ng showbiz, magkikita’t magkikita pa rin sila at kung sakali na dumating ang panahon na ‘yung umalis sa kanya ay ibabalik ng panahon bakit hindi niya tatanggapin. Kaya If I were Nadine, tapusin niya ‘yung kontrata, kaya lang 2029?” pahayag pa ni Ogie.
Ayon sa legal counsel ni Nadine na si Atty. Lorna Kapunan “wrongful and malicious” ang kontrata ng aktres sa Viva.
“Well, bilang lawyer, ipagtatanggol naman talaga ni Kapunan si Nadine. Talagang sisilipin niya ‘yung kontrata kung may butas kaya lang sana nagpaalam nang maayos si Nadine at pinakawalan din siya nang maayos ng Viva para walang samaan ng loob,” sambit pa ng manager nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Noong Enero, 2020 ay nagsabi si Atty. Lorna Kapunan na puwede nang tumanggap si Nadine ng mga raket at mina-manage niya ang kanyang sarili and at the same time, sinabi rin ng abogada na wala ng karapatan ang Viva sa career ni Nadine dahil iyon ay naayos sa civil rights ni Nadine.
Say ni Ogie, “Ang civil rights na tinutukoy ni Kapunan na kapag ayaw na ng talent sa isang kontrata o sa isang agency, puwede siyang umalis. Kaya ito tinatanong ko, I have nothing against Nadine ha. Ano pang silbi ng kontrata kung papairalin bakit pa pumirma kung papairalin natin ‘yung pag ayaw na ng talent eh, aalis na?
“Ilang beses na yatang tumatanggap ng project si Nadine ng hindi ipinagpapaalam sa Viva. Sa mga hindi nakakaalam, ang Viva ang nagbigay ng break kay Nadine Lustre.
“Isinama siya dati sa isang movie ni Vice (Ganda) sa filmfest, tapos binigyan siya ng pelikula, yung Diary ng Panget. Mula nu’ng Diary ng Panget ng 2014, shoot, gumanu’n (pataas) na talaga ang career ni Nadine,” sabi pa niya.
Nagkuwento rin si Ogie kung ano ang kadalasang sakit ng mga baguhang artista kapag pipirma sila ng kontrata, “Una, in good faith pipirmahan nila kasi nagtiwala sa kanila.
“Pangalawa, na-excite sila (baguhang artista) kaya hindi na nila binabasa ‘yung kabuuan ng kontrata. Hindi nila pinababasa sa abogado kasi na-excite sila. Pag pumirma ka ng kontrata for a year, automatically, five years ang idadagdag sa contract, nakalagay ‘yan doon. Mag-sign ka o hindi.
“May ganito pang nangyayari, sa second year, biglang bumulusok ang career nila, babalikan nila ang kontrata kasi nasasaktan (nanghihinayang) sila sa 30% (komisyon ng management) at doon marami na silang reklamo. Hindi nila alam na build-up contract ‘yun. Bini-build up sila ng agency para sila ay sumikat.
“Habang bini-build up ka, ginagastusan ka ng agency, pero ‘yun hindi mo kinukuwenta, di ba? Kasi feeling mo trabaho nila (management) ‘yun, oo trabaho nila, pero mayroon ka ring obligasyon sa manager mo, ibabalik mo lahat ng in-invest sa ’yo. In what way? Mayroon kaming percentage sa anumang raket na pasukin mo,” paliwanag ni Ogie.
Ang kabuuan ng paliwanag ni Ogie ay mapapanood sa kanyang YouTube channel na ang episode title ay “Ganyan naman ‘yung ibang Artista pag Sumikat.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.