FCC sinimulan ang proseso ng pagpapahinto sa operasyon ng China Telecom sa America
Sinisimulan na ng U.S. Federal Communications Commission (FCC) ang proseso ng pagbawi sa lisensiya g China Telecom para makapag-operate sa Estados Unidos sa layunin na ring matanggal ang imprastraktura ng China sa telekomunikasyon ng America.
Sinabi ni FCC Chairman Ajit Pai na inirekomenda ng mga ahensiya ng pamahalaan sa US ang rebokasyon ng permiso ng China Telecom kaunay sa isyu ng seguridad ng bansa.
Ayon kay Pai, may “malaking agam-agam” na ang China Telecom ay susunod sa utos ng Beijing sakaling humingi ito ng impormasyon, kabilang na ang mga nasasagap na komunikasyon sa America. Ang China Telecom, ang pinakamalaking Chinese telecommunications company, ay may awtorisasyon na magbigay ng serbisyo sa telekomunikasyon sa loob ng 20 taon.
Hindi nagbigay ng kagyat na reaksyon ang China Telecom Americas.
Noong Abril, nagbabala ang FCC na maaari nitong ipasara ang operasyon ng tatlong telcos na kontrolado ng gubyerno ng China dahil na rin sa isyu ng seguridad ng bansa, kabilang ang China Telecom Americas, China Unicom Americas, Pacific Networks Corp at ang wholly owned subsidiary ComNet (USA) LLC.
Nanawagan ang U.S. Justice Department at iba pang federal agencies noong April sa FCC na bawiin na ang lisensiya ng China Telecom.
Noong Mayo 2019, nagdesisyon ang FCC na hindi pahintulutan ang isa pang state-owned Chinese telecommunications company, China Mobile Ltd, na makapag-operate sa Estados Unidos. Naniniwala ito na maaring magamit ito ng gubyerno ng China para sa pag-espiya sa gubyerno ng US.
Mula sa ulat ng Reuters
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.