#WalangTatayTatay: Vico personal na naningil sa kumpanya ni Bossing
WALANG pasok kahapon, Dis. 8 dahil Immaculate Conception Day pero nagtrabaho pa rin si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Personal kasi niyang siningil ng location fee ang pamunuan ng M-ZET Productions na pag-aari ng tatay niyang si Vic Sotto na siya ring bida sa GMA sitcom na “Daddy’s Gurl” kasama sina Oyo Sotto, Wally Bayola, Angelika dela Cruz, Maine Mendoza at iba pa.
Sa Rainforest Adventure Experience Park sa Pasig nag-taping ang “Daddy’s Gurl” at siyempre may bayad ito.
Ipinost ni Mayor Vico sa kanyang Instagram account ang larawan niya kasama ang ilang cast members ng comedy show ng tatay niya.
Ang caption ni Mayor Vico, “First time to see Kuya Oyo since March! Visited them on the set of Daddys Girl in Pasig’s very own Rainforest AdVenture Experience Park.
Binisita ko sila para maningil ng fees.
“Actually, nu’ng una nahihiya ‘yung mga empleyado ng LGU na singilin ang M-Zet Productions ng fees, dahil alam nilang kay Papa ‘yun.
“Pero nu’ng nalaman ko ‘to, ang sabi ko, MAS LALONG DAPAT singilin pag kamag-anak ko! Ma-check nga bukas kung bayad na sila. #DaddysGirl,” sabi pa ng alkalde.
Natawa naman si Oyo sa post ng kapatid at ang komento niya, “HAHAHAHAHA! Good to see you Vico! Grabe namiss kita. Ingat lagi.”
Kung tama ang pagkakatanda namin ay si Oyo na ang namamahala ng M-Zet Productions ng tatay niya kaya siguro natawa siya sa post ng kapatid dahil siya ang magbabayad ng location fees.
At pinasalamatan din ni Mayor Vico ang production, “btw thank you to the Mzet team for following health protocols. Regular testing sa mga artista at crew. Mas safe din dito kasi open air.”
Ang daming humanga sa pahayag na ito ni Mayor Vico dahil pinatunayan niya na walang libre kahit kamag-anak pa niya na sana’y gayahin din ng iba pang LGUs sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.