Mga grupong kontra-komunismo muling nanawagan kay Velasco na imbistigahan ang Makabayan Bloc
Muling nanawagan ang iba’t ibang grupong kontra sa komunismo kay House Speaker Lord Allan Velasco na imbistigahan ng Kamara ang koneksyon ng Makabayan Bloc sa Communist Party of the Philippines.
Sinabi ni Gemma Labsan, founder ng Hands Off Our Children, na dismayado sila sa ipinapakitang pagkiling ni Velasco sa maka-kaliwang Makabayan Bloc at dapat na umanong tanungin ang lider ng Kamara de Representantes kung kanino ba ito naglilingkod at “hindi niya magalaw” ang mga progresibong mambabatas.
“Kung neutral si Velasco dapat parehong side ang pakinggan nya, ‘yun ang neutrality. Hindi natin maalis na maging diskumpiyado kasi nakikita natin sino ang mga against. Makikita natin ngayon sino mga naglilingkod sa bayan o may ibang pinaglilingkuran o para sa kanilang interes,” ani Labsan.
“Dapat ang pakinggan ng Kamara ay yung nakararami,” dagdag niya.
Aniya, sa harap ng kawalan ng aksyon ni Velasco ay hindi pa rin sila titigil sa pagkalampag dito.
“Ipupursige namin na magkaroon ng hearing ang House of Representatives ukol sa Makabayan Bloc, no matter what. After ng Senate, ang Kamara talaga ang siyang may jurisdiction sa isyu na ito,” ani Labsan.
Sinabi pa niya na iba’t ibang pagkilos ang kanilang isasagawa kasama ang Hands Off Our Children, League of Parents of the Philippines, Liga Independencia Pilipinas, grupong Yakap ng mga Magulang at iba pang non-government grganization.
Samantala, nagpahayag naman ng kasiguruhan si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig si Velasco sa panawagang imbestigahan ang mga maka-kaliwang mambabatas bagama’t ramdam umanong may mga grupong gustong patalsikin sila sa Kamara.
“Clearly there is pressure on the House to join the communist witch hunt of the NTF-ELCAC, but we believe Speaker Velasco will remain judicious and will not allow the House to be used as venue for peddling baseless accusations against its members,” pahayag ni Gaite.
Nanindigan si Labsan na House inquiry ang kailangan para tuluyan nang mailantad ang katotohanan laban sa kung ano ang ginagawa ng Makabayan Bloc sa Kongreso.
Naniniwala ang grupo na hanggang nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong plataporma para sa kanilang recruitment sa New People’s Army kaya malaki ang nakaatang na responsibilidad kay Velasco na wakasan ito.
Patuloy na itinatanggi ng Makabayan Bloc ang alegasyon ng militar na konektado sila sa CPP-NPA subalit para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana lalong tumibay ang ebidensya nila laban sa mga progresibong mambabatas nang mapatay sa isang engkuwetro ng militar at rebelde ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Culliamat na si Jevilyn.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.