Hindi tamang paghawak ng kaso ni Christine Dacera, pina-iimbestigahan sa Kamara
Nais ng Makabayan bloc sa Kamara na paimbestigahan ang mishandling ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ng flight attendant na si Christine Dacera, na natagpuang patay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong Enero 1.
Sa House Resolution 1458, hinimok ng grupo ang House Committee on Public Order and Safety na magrekomenda ng mga panukala para sa kaukulang mga ahensya sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon para matiyak ang patas at mahusay na resolusyon ng kaso.
Tinukoy ng mga militanteng kongresista ang premature na deklarasyon ng PNP na si Dacera ay ginahasa at pinatay.
Gayundin ang maagang pagsasabi na lutas na kaso matapos maaresto ang tatlo sa 11 suspek.
Giit ng Makabayan, ang mga hindi beripikado at maling impormasyon ay hindi nakatutulong sa pagresolba ng kaso at sa halip ay nagreresulta ng trial by publicity at kalituhan sa pamilya ng biktima at iba pang partido sa kaso.
Ang mishandling anila ng PNP sa kaso ay malaking sagabal sa paghahanap ng katotohanan at hustisya sa pagkamatay ni Dacera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.