#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Butter-Mama-featured-image.jpg)
PHOTOS: Courtesy of Sean Jimenez, Leah Laylo
SA gitna ng matinding sakit at trahedya, may mga kwentong nagiging inspirasyon ng pagbangon at pagmamahal.
Isa na rito ang kwento ni Leah Bustamante Laylo o mas kilala bilang si “Butter Mama,” ang ina ng yumaong 35-year-old lawyer na si John Albert “Jal” Laylo.
Kung matatandaan, naging laman ng balita si Jal noong 2022 matapos masawi sa isang shooting incident sa Philadelphia, United States.
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Jal-died-and-justice-pics-700x394.jpg)
PHOTOS: Courtesy of Leah Laylo
Sa kabila ng mapait na pagkawala ng anak, natagpuan ni Leah ang pag-asa at lakas sa pagbubukas ng kanilang dream cafe sa Makati City na tinawag niyang “Butter Days” noong May 2024.
“Ito ‘yung dream naming mag-ina,” sey ng cafe owner nang ma-interview ng BANDERA.
Chika pa niya sa amin, “Kasi I’m a homebaker and what we wanted is to have a physical store and it’s a dream come true para sa amin –‘yun nga lang wala na si Jal and it so happened he left me, but Butter Days is all about him.
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Screen-Shot-2025-02-08-at-7.01.55-PM-700x432.png)
PHOTOS: Courtesy of Sean Jimenez
Hindi lamang isang negosyo ang Butter Days para kay Leah dahil ito ang kanyang naging “therapy” upang malibang at makahanap ng panibagong layunin sa buhay.
“I am not against sa mga therapist, but then, I preferred na ito ang gawin ko kasi mas nalilibang ako. Nakaka-meet ako ng mga taong who needs to be inspired…Masayang maka-meet ng tao from different walks of life,” paliwanag niya.
Nang tanungin naman namin kung saan siya humuhugot ng lakas, malinaw ang sagot ni Leah: “From above. My faith before was really small, and then after what happened, nag-grow ‘yung paniniwala ko, ‘yung faith kay God kasi hindi niya ako pinabayaan.”
Bukod sa Panginoon, ang mga alaala ni Jal ay naging gabay rin ni Leah sa araw-araw.
“Jal believes in me and alam ko na happy siya kasi I’m able to face reality na wala siya. I am able to survive na wala din siya with that trauma. Ang sakit, sakit sobra,” sambit niya.
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Butter-Mama-and-Jal-700x394.jpg)
PHOTOS: Courtesy of Leah Laylo
Sa kabila ng trauma, natutunan ni Leah na humanap ng kasiyahan sa bawat bagong araw.
“Masaya akong nag-aayos dito, masaya akong nagbe-bake. Kasi I know Jal is always with me, he’s always here (turo sa may dibdib sa may puso),” pagbabahagi niya.
Napakahirap ng pinagdaanan ni Leah matapos ang pamamaril at kwento niya sa amin:
“For almost three years, we really had bad days, especially me, kasi ako ‘yung katabi ng son ko when we were shot. Imagine sa 17 shots sa kanya isa lang –fatal sa head. And the moment he was shot, alam kong wala na ‘yung anak ko, but still hoping and praying he will survive. Pero hindi, it was really his time.”
Patuloy niya, “So ako, I learned to move forward for my family after a year, nagkaroon ako ng open heart surgery. So talagang it took a toll on me. And Butter Days is one way to move on. Siguro without Butter Days, baka naloka na ako.”
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Jals-wake-and-cremation-700x394.jpg)
PHOTOS: Courtesy of Leah Laylo
Sa kabila nito, bumangon si Leah dahil sa pangako niya sa anak at ang mga aral na iniwan nito sa kanya.
“Never quit, never surrender, move forward, and do my best,” saad ng ina ni Jal.
Paliwanag niya, “Kasi Jal is not a quitter. So hindi rin ako nagku-quit…Kasi I believe there’s more better days, Butter Days are coming. And it may be tomorrow, some other day –basta moving forward ako and looking forward for a better, better day kasi I’m still waiting for justice to come and it will come.”
Bandang huli, isang mahalagang mensahe ang hatid ni Leah para sa lahat.
“Kung ano man ang differences sa family, patch it up kasi family is family. Love each other,” lahad niya.
Dagdag niya, “Family first before anything else. Kasi in time of trouble or big problems, andiyan ‘yung pamilya mo eh…Ang pamilya nagdadamayan, they look for each other, they look after each other ‘di ba.”
Bilang pag-alala kay Jal, ipinakilala ni Leah ang “Jal’s Blend,” isang espesyal na inumin sa Butter Days na inspirasyon mula sa paboritong Spanish Latte ng kanyang anak.
![#SerbisyoBandera: ‘Butter Mama’ at ang kwento ng paghilom, pagbangon sa trahedya](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Screen-Shot-2025-02-08-at-7.02.45-PM-700x448.png)
PHOTOS: Courtesy of Sean Jimenez
Sa bawat tasa ng kape sa Butter Days, hindi lamang pagmamahal ang naibabahagi ni Leah kundi isang kwento ng pagbangon, pananampalataya, at pag-asa.
Tulad ng sinasabi ng pangalan ng cafe, patuloy na naniniwala si Leah na ang mas mabubuting araw, Butter Days, ay darating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.