Jane sa ABS-CBN: Nandu’n pa rin yung tiwala nila na ibigay sa akin ang bato ni Darna
“HANGGANG ngayon, nandu’n yung tiwala nila sa akin na ibigay nila sa akin yung bato.”
Ito ang bahagi ng pahayag ng Kapamilya actress na si Jane de Leon matapos ibandera ng ABS-CBN ngayong araw na tuloy na tuloy na ang muling paglipad ng iconic Pinay superhero na si Darna.
Inamin ng dalaga na nagmistulang “rollercoaster ride” ang naramdaman niya dahil sa nasabing proyekto na ilang beses nang napurnada dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ngayong araw, pormal nang in-announce ng ABS-CBN chief operating officer na si Cory Vidanes na mapapanood na uli ang paglipad ni Darna sa darating na 2021 at si Jane pa rin ang bibida rito.
Ang nasabing announcement ay kasabay din ng muling pagpirma ng exclusive contract ng aktres sa Star Magic kung saan dumalo rin sina ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, Chairman Mark
Lopez, COO Cory Vidanes at Star Magic Head Laurenti Dyogi.
Pagkatapos ng contract signing, humarap si Jane sa ilang members ng entertainment media para sa short virtual Q&A.
“I’m really, really happy na makita kayo lahat. I feel so blessed to be a Kapamilya,” simulang pahayag ng dalaga.
At nang matanong nga tungkol sa “Darna”, sabi ni Jane, “Nagulat ako kanina. Anong nangyayari? Totoo po yung sinasabi ko na nag-flashback lahat sa akin.
“Feeling ko baby pa rin ako nu’ng nalaman ko yun. Ito na naman. It’s another dream na tuloy and official na talaga na matutuloy na.
“And grabe yung pasasalamat ko talaga sa mga boss. Until now, nandu’n yung tiwala nila sa akin na ibigay nila sa akin yung bato,” aniya pa.
Inamin ni Jane na handa na siyang tanggapin kung hindi na talaga matutuloy ang project o kung hindi na siya ang magbibida rito dahil nga sa dami ng aberyang nangyari.
“Akala ko postponed, hindi na matutuloy. Ayoko talaga mag-expect. Yun ang pinaka-pinromise ko kay Lord na ayoko mag-expect ng kahit ano because alam ko naman na may darating na blessings.
“And then, yun ang sinabi ko dati habang nag-audition ako sa mga boss. Sinabi ko sa kanila na, ‘If hindi po talaga para sa akin ito, naiintindihan ko na baka para talaga sa ibang tao or para sa ibang nararapat na artista.
“Pero kung ibibigay n’yo po sa akin ito at pagkakatiwalaan n’yo po ako, nagpapasalamat po talaga ako,'” lahad ng aktres.
Alam din niya na maraming nagsasabi na hindi raw para sa kanya ang “Darna” at hindi raw bagay na siya ang sumunod sa yapak ni Angel Locsin at ng iba pang kilalang celebrities na nabigyan ng chance na lumunok ng mahiwagang bato.
Reaksyon ni Jane sa kanyang mga bashers, “I think it’s very normal to feel down if it’s a negative comment. Kailangan lang talaga matututo ako kung paano mag-manage nu’n because it’s really normal sa showbiz.
“And I do understand also, kasi nga, di ba, totoo naman? Sino ba ako? Sinasabi nila, ‘Baguhan ito. Saan nanggaling ito? Bakit siya?’ Yun ang mga tanong ng netizens.
“Even me, huwag kayo mag-alala, kahit ako tanong ko yun sa sarili ko, bakit ba ako napili?” paliwanag pa ng dalaga.
Ito naman ang message niya sa lahat ng taong sumusuporta sa kanya, “Kahit di pa natin naipapakita, pero yung suporta niyo po sa akin, hindi pa po kayo naggi-give up, you’re still pushing me to do it. Salamat sa pagbibigay sa akin ng positivity.”
Ayon pa kay Jane, inaayos na ang pagbabalik niya sa training para sa mga action scenes na gagawin niya sa “Darna” na natigil nga pansamantala.
Ibinalita rin niya na bago simulan ang taping ng “Darna” ay may gagawin muna siyang isa pang proyekto sa ABS-CBN na ngayong Dec. 8 na ang simula ng taping.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.