Miss Universe PH Rachel Peters sinagip ang lalaking nalulunod sa CamSur
KAHIT alam niyang delikado at malalagay sa peligro ang kanyang buhay, sinagip pa rin ni 2017 Miss Universe Philippines 2017 Rachel Peters ang isang nalulunod na lalaki.
Dinedma ng beauty queen ang malakas na alon sa karagatan ng Siruma, Camarines Sur para lang sagipin ang isang lalaking nag-aaral ng surfing.
Mismong ang fiancé ni Rachel na si Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte ang nagbalita tungkol sa insidente sa pamamagitan ng kanyang Instagram account.
Ipinost ng batang politiko sa IG ang litrato ni Rachel na may kargang Pomeranian dog at katabi nito ang lalaking sinagip ng beauty queen. Aniya, kahit na isang surfer ang dalaga ay inatake rin siya ng nerbiyos sa ginawa nito.
“So proud of my girl @rachelpetersx for saving this guy’s life who got caught in a strong riptide earlier! very close call [praying hands emoji].
“The ocean is a whole different world and learning surfing the right way, with the right people is the best way to know the ocean!” ang caption ng gobernador sa kanyang IG post.
Dagdag na mensahe pa niya para sa kanyang fiancée, “Sige na papayagan na kita magsiargao ng magsiargao pa more babe.”
Sa Facebook post naman ng isang netizen na nagngangalang Christopher Dionisio, naikuwento rin nito ang ginawang pagsagip ni Rachel sa taong tinawag niyang Topheng.
Makikita rito ang litrato ni Rachel habang lumalangoy gamit ang surfboard at kung paano nito nasagip ang lalaki.
Sabi ng FB user sa kanyang post, “Drowning barber X miss universe. Dehins sya nagduwang isip guys na magbalik sa lineup para sagipun c topheng dawa may nagpupurugul saiya, nasa pang pang na sya pahawas na sya.”
Sa mga hindi pa nakakaalam, engaged na sina Rachel at Migz at kasalukuyang nakabase na sa Camarines Sur. Nag-propose ang governor noong November, 2019.
Nakatakda na sana ngayong taon ang wedding ng dalawa pero hindi muna nila ito itinuloy dahil sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.