Jay-R Siaboc hindi pa rin nakukuha ang premyong condo, food business sa ‘PDA’
“BAKIT after 14 years saka lang nagre-react si Jay-R Siaboc? Bakit hindi noong kapapanalo pa lang niya?”
Ito ang pahayag ng taong nakabasa sa post ng first runner-up ng ABS-CBN reality show na “Pinoy Dream Academy” noong 2006 kung saan nag-champion si Yeng Constantino.
Nag-ugat ang post ni Jay-R nang umabot na sa 25 million views ang awiting “Hiling” nang mag-guest siya sa Wish 107.5.
Aniya, “Salamat po sa walang sawa ninyong pagsuporta. Mas maganda sana kung may kasamang cheque, hehe, para naman ma experience q din kumita sa kanta q. Salamat sa patuloy na suporta!!!”
Sinundan pa niya ito ng, “Nung Nag 1st runner up aq sa PDA (Pinoy Dream Academy) kasama Sana sa premyo q ay Condominium at franchise ng Belgian Waffle, pro sad to say both di q natanggap Ang mga to, di q alam kung makukuha q pa ba to.
“Pro sana at ngayon nman sa mga kanta q WLA na nman aq natanggap. Sa panahon ngayon na WLA tayo trabaho di maiwasan maalala ang mga bagay na sa tingin moy dapat sana ay sa iyo. Well Panginuon nlang cguro Ang bahala at nkakaalam. God Bless & Be safe sa lahat!!!”
Ayon pa sa nakabasa ng mensahe ni Jay-R ay nagsara na’t lahat ang Globe Asiatique Realty na pag-aari ni Delfin Lee na sponsor noon ng ilang seasons ng “Pinoy Big Brother” at “Pinoy Dream Academy” ay bakit hindi pa nakuha ni Jay-R ang premyo.
Sa pagkakatanda namin ay ang ABS-CBN ang nakikipag-negotiate sa mga nanalo at runner-up para sa napanalunan nilang condominium unit at saksi kami nu’ng i-turn over kay Yeng bilang grand winner ng PDA ang unit niya na nasa kanto ng EDSA at Boni Avenue sa Mandaluyong City.
Ang nasabing unit ay may dalawang malilit na kuwarto sa taas, loft style, may maliit na banyo at maliit na kitchen, may salas at kadugtong na ang kainan.
Ilang taon din itong tinirhan ni Yeng at ng magulang niya noon habang ipinagagawa ang bahay nila sa Rodriguez, Rizal. At kung hindi kami nagkakamali ay naibenta na rin ito ng singer dahil may sarili na silang bahay ng asawang si Victor “Yan” Asuncion.
Kung tama ulit ang pagkakatanda namin ay sa Valenzuela City (Bulacan pa noon) ang unit ni Jay-R pero hindi niya ito nagustuhan dahil sobrang liit kaya’t nangako ang Globe Asiatique noon na ihahanap siya ng ibang unit at wala na kaming nabalitaan kung ano na ang nangyari.
Hanggang sa magkaroon na nga ng kaso ang may-ari ng Globe Asiatique noong 2012.
Going back to Jay-R, nakapagtataka nga naman na pagkalipas ng mahigit isang dekada ay saka siya maglalabas ng hinaing na wala siyang nakuha sa mga premyong napanalunan niya sa “Pinoy Dream Academy”.
Pero hindi mo rin siya masisisi dahil nga sa hirap ng buhay ngayon lalo pa’t may pandemya. Bukas ang pahinang ito sa magiging paliwanag ng mga taong may kinalaman sa hinaing ni Jay-R.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.