Buhay ng bagong 'Totoy Mola' pang-MMK; pero hindi kumapit sa patalim | Bandera

Buhay ng bagong ‘Totoy Mola’ pang-MMK; pero hindi kumapit sa patalim

Reggee Bonoan - November 29, 2020 - 10:16 AM

NGAYONG araw haharap sa entertainment media si Ricky Gumera, isa sa mga baguhang aktor na mapapanood sa pelikulang “Anak ng Macho Dancer.”

Dream come true para kay Ricky ang proyektong ito mula The Godfather Productions, lalo na ang maidirek ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Bukod kay direk Joel ay pawang award-winning din ang makakasama ni Ricky sa una niyang pelikula tulad nina Jaclyn Jose, Allan Paule, Rosanna Roces at Jay Manalo

Mapanghamon ang kanyang role bilang si Kyle na inabuso ng sariling ama na gagampanan ni Jay na tinaguriang Totoy Mola.

“Sobrang nakakatuwa kasi Jay Manalo ‘yan, eh! Trademark niya ‘yan. Pag binansagan kang bagong Totoy Mola, pabor sa akin ‘yan. May maipagmamalaki naman ako! Makikita n’yo sa movie,” pahayag ng binata.

Bago narating ni Ricky ang kinalalagyan niya ngayon ay marami rin siyang pinagdaanang hirap sa buhay na talagang pang-“Maalaala Mo Kaya.” At dahil laking salat sa yaman, kapos sa masusustansiyang pagkain kaya ipinangako ng binata sa sarili na babaguhin nito ang kanyang kapalaran.

Sa Cavite lumaki ang binata at inalagaan ng kanyang lolo’t lola na buong pag-aakala niya ay mga magulang niya, ‘yun pala ay hindi niya kaanu-ano dahil inabandona siya ng ina noong bata pa siya.

Labing-isa silang magkakapatid sa iba’t ibang ama (tatlo roon ay iisa ang ama) at pang-apat siya sa panganay na tulad din niya ay ipinamigay din ang iba. Ayon kay Ricky ay hindi niya nakilala ang magulang at hindi rin niya alam ang pangalan ng ama.

Kaya nagpapasalamat nang husto ang binata sa mga umampon sa kanya na kahit mahirap ay itinaguyod siya, minahal at itinuring na kadugo.

Ayon sa binata ay nabuhay sila sa pagiging labandera ng lola, naranasang kumain na asin ang ulam na may halong tubig, mula elementary hanggang high school ay kandila ang gamit sa pag-aaral, at kahit walang baon ay pumapasok dahil gusto nitong makatapos.

At para makatulong sa kinilalang magulang ay namasukan sa karinderya noong nasa grade 6, tagahugas ng pinggan, tagapalengke, naglilinis ng babuyan at tagaluto ng kaning baboy.

Nasubukan din niyang magtrabaho sa junk shop na pag-aari ng anak ng ninang-tita niya, naging delivery boy ng softdrinks bagay na ikinagulat ng mga nakakakita dahil sobrang bata pa niya noong nagbubuhat ng mabibigat na kahon-kahong bote.

Sa pagsisikap ni Ricky ay natapos niya ang kursong BS Marine Transportation dahil scholar siya bilang varsity player ng volleyball sa PMMS Las Piñas.

At dahil nabiyayaan naman ng magandang mukha at may tindig na 5’11 kaya napasok niya ang pagiging ramp and commercial model at sumali rin sa mga male pageant hanggang sa nanalong Mister Global Philippines 2019 dahilan kaya nakarating na sa ibang bansa si Ricky.

Sa hirap na dinanas ni Ricky ay sumusumpa siya na hindi siya kumapit sa patalim, “Marami pong nagpaparamdam before na gay pero nandiyan na po ‘yung tita-ninang ko na nasandalan ko before. Siya ang sumusuporta sa pag-aaral ko bukod sa scholarship ko.”

Nang mabalitaan ang audition para sa pelikulang “Anak ng Macho Dancer” ay hindi nagdalawang-isip ang binata at sinuwerteng makuha ang papel na Kyle.

Nanlambot naman ang Godfather Productions producer na si Joed Serrano at ang kanyang manager na si Meg Perez ng Megs Events and Talent Management nang magpunta sila sa bahay nito sa Cavite dahil nasilayan nila ang estado ng buhay nito kaya binigyan kaagad siya ng bonus na house and lot para makalipat kasama ang pamilya nito.

Ibabawas na lang ito sa share niya kapag kumita ang “Anak ng Macho Dancer.” Nangako kasi si Joed na hahatiin sa anim ang lahat ng kikitain ng naturang pelikula sa mga bagets niyang artista at si Ricky ang pang-anim sa partehan.

Sa unang talent fee ni Ricky sa “Anak ng Macho Dancer” ay nag-share agad siya ng 20% sa simbahan. Pinakain din niya sa labas ang kanyang pamilya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, para mapanood ang uncut version ng “Anak ng Macho Dancer” ay gusto ni Joed na sa UP Theater ganapin ang premiere night sa susunod na buwan at aasahan ang pagdating nina Jacklyn, Jay, Rosanna, Emilio Garcia at Allan kasama siyempre si direk Joel.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending