MULA sa mali-maling ulat ng Commission on Audit, na ibinase sa kuwenta ng Department of Budget and Management at tinawag pang “kahindik-hindik,” hanggang sa tuluyang pagbasura ng pork barrel, mas lalong lumabo pa sa sabaw ng pusit ang isyu at problema.
Ang mga nagsusulong ng malaking pagtitipon kontra pork barrel bukas sa Luneta ay hindi natinag sa pagbasura ng Ikalawang Aquino sa Priority Development Assistance Fund (PDAF, napakagdandang pakinggan at musika sa tenga; pero ang “priority” pala ay ang bulsa.
Nang dahil sa kaakit-akit na “priority” na iyan ay mas marami pa sa kabute ang nagsulputang political dynasty). Nilinaw ni Aquino, anak nina Ninoy at Cory, na hindi siya “ninerbiyos” sa dami ng netizens na sasama sa martsa at Biyernes pa lamang ay nagparamdam na ang maskarong middle class sa kanilang masidhing pagkontra sa baboy.
Teka, bakit niya ibinasura nang biglaan ang baboy gayung malinaw ang iginiit niya sa pagpapanatili ng baboy; na, aniya, kapag ibinasura ay napakaraming problema sa kanayunan ang hindi matutugunan.
Ang kanyang pag-amin na napakarami ang problema sa kanayunan, lalu na sa maliliit na barangay, sa kalahati ng kanyang termino bilang pangulo, ay pag-amin na ang Malacanang at kanyang napakaraming kaalyado sa Senado at Kamara ay hindi nagtatrabaho.
Bakit napakarami pa rin ng problema sa kalakahati ng kanyang termino? Di ba’t nakakulong na si Gloria Arroyo? Di ba’t nasa tuwid na daan na ang bansa?
Kung, ayon sa pag-amin ni Aquino, ay napakarami ang problema sa kanayunan, di ba’t patunay ito na walang ginagawa, kundi ang magkamot, ang mga opisyal ng LGUs (local government units) sa mga lalawigan, bayan at kanayunan?
Tulad ng presidente, hindi manhid ang Kamara sa kahilingan ng taumbayan na ibasura na ang pork barrel, ani House Majority Leader Neptali Gonzales II (napakaganda at napakalinis pa naman ng pinagmulan ng iyong pangalan).
Ha? Aba’y matagal nang manhid ang Kamara sa paghihirap ng arawang obrero, sa dumaraming walang trabaho, sa mga binaha’t binagyo, sa hinaing ng mga magsasaka na maitaas man lang presyo ng kanilang ani at lansagin na ang pagsasamantala ng lintang mga negosyante, na ang ilan ay kung hindi kamag-anak ay kaalyado mismo ng mga mambabatas.
Sa pananaw ng mahihirap, mas makapal pa sa balat ni Lolong ang mukha ng mga mambabatas, dahil sa labas lamang ng Batasang Pambansa ay parang langgam na hindi tumitigil sa kakakalkal ang mga basurero, na ngayon ay tinawag pang mangangalakal ng karton at plastik.
Ito namang si Eastern Samar Rep. Ben Evardone, mabuti naman daw at hindi inalis ni Aquino ang laan sa scholarship at medical assistance.
Ikaw naman Evardone, na kakampi ng lahat na nagdaang pangulo, yun ngang lalawigan ay hilahud pa rin sa kahirapan at nakapagtatakang hindi ka nagtataka sa sinapit ng mga kababayan mo.
Hindi kumbinsido ang militanteng Bayan Muna.Para kina Neri Colmenares at Carlos Zarate, inilipat lamang ang baboy sa national budget kaya’t nariyan pa rin ang baboy para katayin ng mga buwaya’t buwitre na tinatawag na kagalang-galang at ipinagpipitagan.
Para kay Rep. Antonio Tinio, ng Alliance of Concerned Teachers, ang pagbasura sa baboy ay para mabawasan ang dadalo sa martsa bukas.
Kating-kati na nga si Tinio na makita ang bagong damit ng baboy at tanging ang pahayag lang sa media ang kanyang nadinig. Hindi kumbinsido si Juan Ponce Enrile na ibinasura na nga ang baboy dahil meron pa ring baboy o lump sum appropriations ang lahat ng departamento ng gobyerno, sa ilalim ng General Appropriations Act.
Nagtataka ang taumbayan dahil malaking baboy ang inilaan sa Batanes, maliit na lalawigan at malaki pa ang populasyon ng isang barangay sa Maynila. Siyempre, malapit sa kusina ang Batanes.
Kaya nga ipinagtanggol pa ni Budget Secretary Florencio Abad ang baboy ni Aquino, na mas higit na kailangan daw ito ng Palasyo para agad na makatugon sa “emergency situations.”
Pero, wala naman doon sa “emergency situations” si Pangulong Aquino at inamin mismo niya na nagmo-monitor naman daw siya ng “emergency situations.”
Nang magalit ang netizens dahil wala sa “emergency situations” si Aquino, bigla siyang nagtungo sa Binan at San Pedro sa Laguna para sandaling magparetrato na namamahagi ng suput-supot na makakain.
Nang magalit ang netizens sa baboy at nagbanta ng isang milyon pagdalo, ibinasura ni Aquino ang baboy. “It’s time to abolish pork,” ani Aquino. Pero, ipinagtanggol pa ni Abad ang bunton ng baboy ng pangulo, na umabot sa P449.95 bilyon na nakalaan sa 2014 national budget.
O, sige nga. Ibinasura na ang baboy. Pero, paano malalaman ng taumbayan na ibinasura na nga ito. Walang paraan ang taumbayan para sundan ang kuwenta kahit na ipinangako ni Aquino na magiging bukas ang pamamahagi ng bagong baboy.
Hindi nga malalaman ng taumbayan kung kaninong bulsa napunta ang kanilang pera. Hangga’t walang totoong batas, at hindi binutas, na Freedom of Information.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.