Chito, Kean may inamin tungkol sa namatay na Slapshock vocalist: Rakenrol, parekoy!
TULAD ng kanyang mga tagasuporta, na-shock din ang mga kaibigang OPM artists ng Slapshock vocalist na si Jamir Garcia na natagpuang patay sa kanilang bahay kahapon.
Hindi pa rin makapaniwala ang mga ito na wala na ang 42-year-old na bokalista ng isa sa pinakasikat at maituturing na pioneer sa Pinoy heavy metal music scene.
Dalawa sa malalapit na kaibigan ni Jamir sa industriya ay ang frontman ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda at si Kean Cipriano ng Callalily na agad nagpahayag ng kanilang saloobin sa biglang pagkamatay ng singer.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Chito kung paano nagsimula ang friendship nila ni Jamir.
Caption niya sa litrato nila ng kaibigan, “Dati, hindi kita trip. Hindi ko din trip yung banda mo, and I always made sure na maging snob at mayabang sayo…or I would at least try, kasi di naman talaga ako ganun…
“Pero gusto talaga kita yabangan every time nagkikita tayo. Ganun ako sayo simply because I was intimidated by you, your band, and your crowd.
“Pero kahit anong gawin kong angas sayo, you would still always be consistently kind and soft spoken.
“Hanggang wala nalang talaga akong magawa kundi maging mabait din sayo kasi wa-epek yung mga pa-angas-angas ko sayo.
“Wala din choice kundi mabilib sa banda ninyo dahil sobrang professional at hardworking nyo lahat.
“Malungkot ako na nawala ka agad, pero masaya ako na nakilala kita.
“Rakenrol, parekoy,” mensahe pa ni Chito.
Ayon naman kay Kean, isa sa pinakamababait at pinaka-humble na musikero na nakilala niya si Jamir.
“Napakataas ng respeto ko sa taong ‘to. Hindi lang dahil magaling siyang musikero, pero dahil pinakitaan din niya ako ng respeto na hindi ko basta basta natatanggap sa lahat ng musikero lalo na nung panahon na nagsisimula ako.
“Nung panahon na pakiramdam ko hindi kami sineseryoso ng mga artists na nauna samin, si Jamir yung isa sa mga nagparamdam sa akin na parte ako ng industriyang to.
“Nakakagulat tong balita na to. Nakikiramay ako sa buong pamilya. Rest in peace @jamir_garcia. Salamat sa lahat,” sabi pa ni Kean.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.