Willie biktima uli ng fake news, nagsumbong sa NBI: Baka magalit sa akin ang Pangulo
KUMALAT sa social media ang isang quote card na may litrato ni Willie Revilla kung saan tila pinagsasabihan nito si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya naman agad na naglabas ng paglilinaw ang TV host-comedian at ibinandera na isa itong fake news na gawa-gawa na naman ng mga taong nais lamang manggulo.
Sa nakaraang episode ng programa niyang “Wowowin: Tutok To Win” sa GMA 7, nag-warning si Willie sa publiko na huwag basta-basta maniniwa sa lahat ng nababasa nila sa social media.
Ipinakita pa ni Willie ang screenshot ng nasabing fake report kung saan nakalagay nga ang kanyang litrato at ang pekeng mensahe niya kay Pangulong Duterte.
Tungkol ito sa pagbebenta ng mamahaling sasakyan para i-donate sa mga nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad sa bansa.
Ayon sa komedyante, wala siyang sinasabing ganu’n at kahit kailan ay hindi siya nagsalita ng masama patungkol sa Pangulo dahil naniniwala siya na wala itong idudulot na maganda sa sambayanan.
Nabatid na ang original post at kinopyahan ng fake news ay tungkol din sa pagbebenta noon ng TV host ng kanyang mamahaling sasakyan para maibigay bilang donasyon sa Marikina at Montalban.
Pero hindi nga binanggit ni Willie rito ang pangalan ng Pangulo.
“Wala po akong sinasabing ganyan. Kung sinuman ang gumawa niyan, pinapahanap na namin ‘yan sa NBI (National Bureau on Investigation),” pahayag ni Willie.
Ipinaalam na rin daw niya ito sa abogado ni Sen. Bong Go, “Kung sino ka man, pinapahanap ka na namin. Wala kayong ginawa kundi manira ng kapwa n’yo. Baka magalit sa akin ang Pangulo.”
Aniya pa, sana raw ay tigilan na ng ilang kababayan natin ang paggawa ng ganitong kalokohan at kasinungalingan. Hindi na nga naman nakakatulong sa mga nangyayari sa bansa ay nakagugulo pa.
Kung matatandaan, ibinenta ni Willie kamakailan ang isa niyang luxury car sa halagang P7 million na ibinigay nga niya sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.
For sale na rin ang isa pa niyang sports car na nabili niya noon ng P35 million. Aniya, kahit daw kalahati na lang ng presyo nito ang bayaran ng sinumang nais bumili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.