Paghahanap ng ibang daraanan ng tubig na pinapakawalan ng mga dam, inirekomenda
Hinikayat ni Baguio City Rep. Mark Go ang Office of the Civil Defense na pag-aralan ang posibilidad na pagkakaroon ng iba pang daanan para sa tubig na pinapakawalan ng mga dam sa bansa upang maiwasan ang pagbaha sa ilang mga lugar.
Sa consulation meeting ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Go na hindi sapat na basta abisuhan lamang ang publiko sa posibleng maranasang pagbaha sa tuwing magpapakawala ng tubig ang mga dams sa bansa.
Isa sa mga long-term solution na naiisip ni Go ay ang pagkakaroon ng panibagong daanan para sa tubig na papakawalan ng mga dams na malayo sa mga bahay at taniman.
Ito ay para na rin maiwasan ang matinding pagbaha tulad nang nangyari sa lalawigan ng Cagayan at Isabela nang buksan ng pamunuan ng Magat Dam ang pitong gates nito noong nakaraang linggo.
Bukas naman ang OCD sa suhestiyon na ito ni Go.
Ayon kay OCD 2 – Dir Harold Cabreros, ikokonsidera nila ang rekomendasyon ni Go sa kanilang ginagawang holistic approach.
Nauna ng sinabi ni Isabela Governor Rodito Albano III na ang pagbaha na kanilang nakaranasan noong nakaraang linggo ay pinakamatindi sa nakalipas na apat na dekada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.