Carlo mas ginanahan magtrabaho at naging pasensiyoso nang maging daddy na
MARAMING nagbago sa ugali at paniniwala sa buhay ng Kapamilya singer-actor na si Carlo Aquino mula nang maging tatay.
Inamin niyang mas naging masipag at ganado siya sa pagtatrabaho at mas pasensiyoso na siya ngayon kesa noong binata pa siya.
Ayon sa aktor, ito’y dahil na rin sa inspirasyong hatid ng panganay na anak nila ng kanyang partner na si Trina Candaza.
“Basta noong first time ko siyang makita, ito na ‘yung direksiyon na tatahakin ko na magtatrabaho ako para sa pamilya ko,” pahayag ni Carlo sa ginanap na virtual media conference para sa bago niyang serye sa ABS-CBN, ang “La Vida Lena” na pagbibidahan ni Erich Gonzales.
Kuwento pa ni Carlo sa pagiging daddy niya, “Ngayon mas patient na ako. Hindi na ako nagra-rush into things. Kasi sa sobrang tagal minsan naiinip ka, may mga hindi ka mahintay.
“Pero ngayon na may baby na, kapag umiiyak ‘yan hindi mo kayang patahanin hindi naman agad tatahan.
“Kaya kailangan mong maging patient. Hintayin mo ‘yung mood niyan. So, feeling ko mas humaba ang pasensiya ko ngayon,” aniya pa.
Kahit two months pa lang daw ang kanilang baby, marunong na raw itong makipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng paggalaw at pagtitig sa kanya.
“Hindi pa siya masyadong nakikipag-communicate, pero ngayon, this past few days kapag kinakausap ko siya in the morning, may conversation kami. Hinaharut-harot ko siya sa umaga, tumitingin-tingin siya sa akin, may eye contact kami,” lahad pa ng aktor.
“Sabi nga ni JC (de Vera, kasama niya sa serye) sa akin, habang nasa taping kami, na i-cherish ko ang moment na ganito na sobrang baby pa lang niya, sobrang ilang months pa lang siya.
“Kasi kapag balik na naman namin sa lock-in taping, iba na ang hitsura niya. Malaki na siya, so mas mataba na, ganyan.
“So, cherish lang habang kasama ko siya. Kapag tulog siya sa umaga, pinapanood ko lang siya matulog, masaya na ako ng ganoon,” chika pa ng isa sa mga leading man ni Erich sa “La Vida Lena”.
Gaganap si Carlo sa serye bilang si Jordan, ang isa sa tatlong lalaking mabibighani at mapapaibig ni Lena (Erich). Siya ang ang pinakamatalik niyang kaibigan na minamahal siya.
Ang dalawa pang lalaki ay sina Adrian (JC), ang anak ng mortal na kaaway ni Lena, at si Miguel (Kit Thompson), ang lalaking naloko at nakabuntis sa kanya.
Ka-join din sa seryeng ito sina Janice de Belen, Agot Isidro, Raymond Bagatsing, Sofia Andres, Christian Vasquez, Pen Medina, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Malou Crisologo, Josh Ivan Morales, Hasna Cabral, Danica Ontengco at Renshi De Guzman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.