DDR inayawan ng Senado pero gumastos ng P10B para sa Senate building sa BGC, ayon kay Salceda | Bandera

DDR inayawan ng Senado pero gumastos ng P10B para sa Senate building sa BGC, ayon kay Salceda

Ulat ng Bandera at Radyo Inquirer - November 09, 2020 - 11:16 AM

Hindi napigilan ni Albay Representative Joey Salceda na pasaringan ang Senado at ikumpara ang ginawang paggasta nito ng bilyong piso para makapagpapagawa ng modernong Senate building sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City habang pinanghihinayangan nitong gastusan ang pagtatatag Department of Disaster Resilience (DDR).

Ayon kay Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, nasa P2 bilyon lamang ang pondong kakailanganin para sa reorganisasyon ng bubuuing DDR, malayo sa halos P10 bilyong halaga ng ipinatatayong gusali ng Senado.

“Gastos din pala ang paglipat sa BGC, sige mas unahin na nila yun,” pasaring pa ni Salceda.

Muling lumakas ang panawagan sa pagtatag ng DDR, ang ahensyang tututok sa panahon ng kalamidad, matapos na rin ang pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol na ikinasawi ng 22 katao at nagresulta ng may P5.8 bilyong halaga ng pinsala sa imprastrakstura.

Ang pagtatatag ng DDR na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aprubado na sa Kamara sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano. Ngunit nanatili itong nakabinbin sa Senado sa harap ng pagtutol nina  Senator Panfilo Lacson at Senator Dick Gordon dahil umano walang pondong pagkukuhaan ng pagbuo pa ng panibagong ahensya.

Iginiit ni Salceda na permanenteng solusyon ang kailangan para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa kaya isinusulong ng Kamara na palitan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na isa lamang working group ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno, at palitan  ito ng DDR na magiging isang permanenteng ahensya na tututok sa prebensyon at pamamahala ng mga sakuna at kalamidad.

“Ang NDRMMC ay umaasa lang sa kontribusyon ng ibang members gaya ng pagpapalabas ng warning sa DOST, sa relief ay sa DSWD, ang rehabilitasyon ng mga kalsada sa NEDA at pagresponde sa DILG. Ang nangyayari ay kalat kalat at hindi integrated ang pagtugon sa kalamidad kaya mabagal sa response at rehabilitation,” pahayag ni Salceda.

Inihalimbawa ng mambabatas ang nangyari sa Supertyphoon Yolanda na siyam na taon na ang nakalipas mula nang manalasa ito noong Nobyembre 2013 ngunit hindi pa natatapos ang rehabilitasyon dahil kung kani-kaninong ahensya inaasa ang pangangasiwa dito na malayo kung may DDR na magsisilbing pangunahing ahensiya na magiging responsable sa paghahanda sa mga sakuna, pagharap sa panahong nagaganap ito at pagkatapos maganap ito.

Iginiit ni Salceda na ang ginagawang pagpigil ng Senado sa pagbuo ng DDR ay maling mali.

“Maraming mamatay sa gusto ng Senado. Ang gustong nilang sabihin na inevitable na may mamamatay sa sakuna pero ito ay preventable kung mayroon tayong institusyon. Hindi dapat na surrender na tayo at tanggapin na lang na pag may sakuna may mamamatay na 10 katao. Anong klaseng logic iyon?” ani Salceda.

Ang tinutukoy ni Salceda navSenate building na gagastusan ng P10 bilyon  ay 11 storey tower na matatagpuan sa 1.8 ektaryang Navy Village na pinangangasiwaan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).

Si Lascon, na Chairman of Committee on Accounts, at si Sen. Sherwin Gatchalian ang siyang prime movers sa paglipat ng Senado sa BGC. Si Gatchalian ang syang naghain ng resolusyon na bumuo ng special committee na magsasagawa ng feasibility sa paglipat at pagpapatayo ng sariling gusali ng Senado habang si Lacson ang nangasiwa sa funding.

Una nang ipinagtanggol ni Lacson ang malaking pondo ng Senate building dahil sa umano’y matitipid ng mataas na kapulungan kumpara sa kasalukuyan nitong gusaling ginagamit na inuupahan lamang nito ng P171 milyon kada taon sa GSIS.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nasa P4.58 bilyon ang inisyal na gastos sa gusali ngunit nadoble ito dala ng inflation sa construction cost at ang kontrobersiyal na Hilmarc’s Construction, na una nang inimbestigahan ng Senado dahil sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall building.

Target na maging fully operational ang bagong Senate building sa 2022.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending