Angel mamimigay ng cash sa mga biktima ng Bagyong Rolly; Catriona, Enchong humiling ng donasyon
MAY kinakaharap mang matinding kontrobersya, isa pa rin si Angel Locsin sa mga celebrities na unang gumawa ng paraan para makatulong sa mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly.
Milyun-milyong residente mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang naapektuhan ng tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong 2020.
Kabilang sa mga nakatikim sa bagsik ni Rolly ay ang Calabarzon, Albay, Catanduanes at Camarines Sur sa Bicol Region. Umabot na sa mahigit 20 ang nasawi dahil sa nabanggit na kalamidad.
At kahit na nga nadadamay si Angel sa isyu ng red-tagging hindi pa rin ito naging hadlang para makapagbigay siya ng tulong sa mga nabiktima ng bagyo.
Gumawa ang Kapamilya actress ng Facebook page, ang Typhoon Rolly Assistance Initiative para dito dumaan ang lahat ng mga kababayan nating nangangailangan ng ayuda.
Ipinost din ito ni Angel sa kanyang official Facebook account, Instagram at Twitter page kasabay nga ng pangakong magbibigay siya ng P1,000 cash aid sa 1,000 biktima ng Bagyong Rolly.
“Though we would like to reach out to everyone who are in need, our resources are limited and can only accommodate the first 1,000 valid request,” pahayag ng dalaga.
Ayon kay Angel, para makatanggap ng cash aid kailangan lang i-video ng residente ang sitwasyon nila ngayon sa kanilang lugar at ipadala sa Typhoon Rolly Assistance Initiative sa pamamagitan ng private message.
Kahapon dapat ang deadline ng pagpapadala ng video at request for financial assistance pero in-extend nga ito ng Team Angel hanggang ngayong araw
Dahil ayon kay Angel, “A lot of areas still don’t have electricity and no means of communication.”
Samantala, idinaan naman ni Enchong Dee sa kanyang Instagram Story ang panawagang ayuda para sa mga sinalanta ng bagyo sa Bicol.
Aniya maaaring makipag-ugnayan lang sa kanya through direct message ang mga gustong magbigay ng donasyon at makisabay ng tulong para sa mga kababayan niya sa Bicol.
Dagdag pa ng binata, mas okay kung “in kind and not in cash” ang ibibigay ng mga followers niya sa IG. Ilan sa mga request ni Enchong ay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente roon tulad ng sabon, shampoo, toothbrush, toothpaste, alcohol, pati na mga pagkain tulad ng bigas, gatas, instant noodles at mga de-lata.
Sa kanyang IG account din nag-announce ang beauty queen na si Catriona Gray para manghingi ng donasyon na ilalaan naman sa “response operations” ng Philippine National Red Cross (PNRC).
Bicolana rin si Catriona at isa sa mga ambassador ng PNRC. Ibinalita niya sa publiko na nasa Bicol na ngayon ang Disaster Management Team ng Red Cross para sa kanilang rescue and relief operations.
“Your 100 pesos can help the Red Cross in preparing for food and hygiene kits for evacuees, contribute in building homes, or provide cash assistance to the affected families,” mensahe ni Catriona.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.