Ai Ai sa bashers ng ‘BLACKPINK paandar’ sa The Clash: Thank you napansin n’yo ako
IBA-IBA ang naging reaksyon ng mga netizens sa viral at trending performance ni Ai Ai delas Alas sa “The Clash Season 3” ng GMA 7 last weekend.
In fairness, talagang marami ang nakapanood sa Comedy Concert Queen ng mag-ala-BLACKPINK sa sing and dance number niya with the Korean all-female group hit song “Ice Cream”.
Ito na ang ikalawang beses na nag-viral si Ai Ai nang dahil sa BLACKPINK. Ang una ay nang kantahin niya ang isa pang hit song ng grupo na “How You Like That” sa “All-Out Sundays”.
Ilang oras lang matapos ang “Ice Cream” opening number ng Kapuso comedienne sa “The Clash” last Saturday ay sandamakmak na memes at comments na ang kumalat sa social media.
Hati ang reaksyon ng mga manonood sa ginawa ni Ai Ai, may mga natuwa, natawa at naaliw sa komedyana pero marami rin ang nam-bash sa kanya kabilang na ang mga certified K-pop fans.
Nang makarating na kay Ai Ai ang mga harsh comment at hate message ng mga netizens, iisa lang ang naging reaksyon niya.
“Sa lahat ng mga natuwa salamat po, next time mas gagalingan ko pa para lalo kayong maging masaya,” ang ipinost na mensahe ng The Clash judge sa kanyang Instagram page.
Aniya pa gamit ang hashtag na #yearningtobethe5thgirlofBP, “Sa mga bashers, thank you din napansin n’yo ako at salamat sa maraming oras n’yo. hehehe.”
Siguradong tuwang-tuwa naman ang Kapuso star sa bonggang meme na kumalat sa socmed kung saan ginawa pa siyang fifth member ng BLACKPINK.
Isang netizen naman ang nagsabi kay Ai Ai na i-try niya ring kantahin ang third single ng BLACKPINK, ang “Lovesick Girls” mula sa latest album ng Korean group.
Hirit naman sa kanya ni Ai Ai, “Sa grand finals. hahahaha. tnx.”
Kung matatandaan, sinabi na ni Ai Ai sa isang panayam na hindi na siya naaapektuhan ng pamba-bash ng haters dahil sanay na sanay na siyang nakakatanggap ng hate message mula sa netizens.
Napapanood ang “The Clash 3” tuwing Sabado at Linggo ng gabi sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.