Mga reyna ng Mrs. Queen of Hearts PH kinoronahan na
Makalipas ang ilang buwan ng mga online competition at mga charity mission sa iba’t ibang panig ng bansa, naidaos na ang 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines coronation night sa Dusit D2 Residences, Bonifacio Global City, Taguig City, ngayong Okt. 30.
Mula sa 13 kalahok, kinoronahan sina Mrs. Worldwide Philippines Annette Mendoza of Pampanga, Mrs. Philippines Asia Pacific Global Louise Suzanne Alba Lopez of Quezon City, Mrs. Philippines Asia Pacific All Nation’s Darling Topacio Edralin of Misamis Oriental, Mrs. Philippines Asia Pacific Tourism Joana Krisanta La Madrid of Ilagan City, Mrs. Philippines Asia Pacific Intercontinental Na. Glovel Tasico of Batangas, Mrs. Philippines Asia Pacific Cosmopolitan Sarima Paglas of Maguindanao, Mrs Queen of Hearts Philippines Catherine Jordas Flores of Ilocos Norte, at Mrs. Queen of Hearts Tourism Ivy Dianna Manzo-Bo of Cavite.
“We have to push through with this as a requirement of the international director who is in charge of conducting international beauty pageants,” sinabi ni MMG Queen of Hearts Foundation President Mitzie Go-Gil sa isang naunang panayam.
Naunang itinakda noong Abril, pansamantalang isinantabi ang patimpalak dahil sa quarantine measures na ipinatupad ng pamahalaan bunsod ng Covid-19 pandemic.
Mahigpit ang health and safety protocols sa dinaos na coronation ngayong gabi.
“The coronation is the culmination of a year-long pageant to choose married Filipino women who will be worthy to represent the country in international beauty pageants,” ani Go-Gil, na hinirang na Mrs. Asia Pacific Tourism sa Singapore noong 2018.
Mataas ang inaasahan sa mga nagwagi sapagkat nag-uwi ng mga karangalan ang mga naunang reyna mula sa kani-kanilang international competitions.
Hinirang na Mrs. Asia Pacific Global si Avon Morales, habang itinanghal na Mrs. Asia Pacific Millenium naman si Glynes Evangelista Olbes. Nagtapos naman si Llena Tan bilang second runner-up sa Mrs. Worldwide.
Hinirang naman na Mrs. Empowerment Woman sa Mrs. Global Universe pageant si Rosenda Casaje, na isa sana sa mga kalahok sa pambansang patimpalak ngayong taon.
Dahil kapos na sa panahon upang makapili ng kinatawan nitong Marso, inatasan si Casaje na iwagayway ang watawat ng bansa sa Mrs. Global Universe.
Maliban sa pagsabak sa mga pandaigdigang patimpalak, inaasahang makikiisa rin ang mga bagong reyna sa mga proyekto ng foundation.
“The foundation has two advocacies, first is to promote the welfare of underprivileged families, especially their children, and second is women empowerment,” ani Go-Gil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.