Mga ginang na beauty queen naghatid ng saya at ayuda sa Bicol | Bandera

Mga ginang na beauty queen naghatid ng saya at ayuda sa Bicol

Armin P. Adina |November 29,2020
facebook
share this

Mga ginang na beauty queen naghatid ng saya at ayuda sa Bicol

Armin P. Adina - November 29, 2020 - 11:09 AM

Namahagi ng mga laruan sa mga bata sina (mula kanan) 2019 Mrs. Worldwide second runner-up Llena Tan, 2020 Mrs. Philippines Worldwide Annette Mendoza (bahagyang natatakpan), 2020 Mrs. Philippines Asia Pacific Cosmopolitan Sarima Paglas, at 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines Catherine Jordas Flores (malayo sa kaliwa). ARMIN P. ADINA

 

WALA pa mang isang buwan mula nang makoronahan, sinuong na ng mga reyna ng 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant ang isang mahabang biyahe papunta sa Bicol upang maghatid ng tuwa sa mga nasalanta ng magkakasunod na bagyo roon.

Noong Okt. 30 lang nagwagi sina Mrs. Philippines Worldwide Annette Mendoza, Mrs. Philippines Asia Pacific Intercontinental Glovel Tasico, Mrs. Philippines Asia Pacific All Nations Darling Topacio Edralin, Mrs. Philippines Asia Pacific Cosmopolitan Sarima Paglas, at Mrs. Queen of Hearts Philippines Catherine Jordas Flores ngunit tumulak na sila sa Sorsogon City kahapon upang magbahagi ng tulong sa mga mamamayang iniinda pa rin ang epekto ng mga bagyong “Quinta,” Rolly,” at “Ulysses”.

Pinangunahan sila ni MMG Queen of Hearts Foundation CEO Mitzie Go-Gil, na nagwaging 2018 Mrs. Asia Pacific Tourism sa Singapore.

Sumali rin ang mga reyna ng 2019 na sina Mrs. Worldwide second runner-up Llena Tan at Mrs. Philippines Asia Pacific Intercontinental Glynes Olbes.

Nasa 200 mamamayan mula sa Barangay Buenavista sa Bacon District ng Sorsogon City ang tumanggap ng bigas, gatas, vitamins, damit, aklat, face shield at mask, de lata, instant noodles, kape, toiletries, kumot, at Ibang pagkain.

Nasa 100 bata naman mula sa naturang barangay ang nakatanggap ng maagang pamasko nang magbigay ang mga reyna ng mga laruan at pagkain.

Nakipag-ugnayan si Olbes, na nakatira sa lalawigan ng Sorsogon, sa mga tanggapan nina Mayor Esther Amor at Vice Mayor Eric Dioneda, Sorsogon first district Provincial Board Member John Ryan Dioneda, Sorsogon City Councilor Ben Dioneda, at Buenavista Barangay Chairman Michael Doringo.

Pinahintulutan din nina Buenavista Elementary School Principal Norman Deladia at gurong si Menchie Desuyo na idaos sa paaralan nila ang pagbabahagi ng tulong.

Nauna nang naghatid ng tulong sa Tumana, Marikina City, noong Nob. 19 ang mga reigning queen, kabilang ang mga batch mate nilang sina Mrs. Philippines Asia Pacific Global Louise Suzanne Alba-Lopez, Mrs. Philippines Asia Pacific Tourism Joanna Krisanta La Madrid, Mrs. Queen of Hearts Tourism Ivy Dianna Manzo-Bo, at Mrs. Queen of Hearts Philippines ambassador Teodora Pizarra-Albuquerque.

Nagdala rin sila ng mga suplay sa Women’s Detention sa Rodriguez, Rizal, noong Nob. 9.

 

Naghatid ng tulong sa mga taga-Sorsogon ang mga reyna ng 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant winners. ARMIN P. ADINA

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending