Tekla posibleng mabawi ang anak; ka-live in buking nang biglang umatras sa drug test
IYAK nang iyak ang dating ka-live in ni Super Tekla na si Michelle Lhor Bana-ag matapos pagalitan at talakan nang bonggang-bongga ni Raffy Tulfo.
Bigla kasi itong umurong sa drug test na gagawin sa kanya para mapatunayan na hindi na talaga siya gumagamit ng ilegal na droga matapos ang kontrobersyal na pag-aaway nila ni Tekla.
Nagkaayos na sila ni Tekla matapos magkausap at magkapirmaham ng kasulatan tungkol sa gagawing pagsustento at pagsuporta ng komedyante sa kanilang anak.
“Ito na siguro yung huling pagsasalita ko, Sir, para po matapos na rin po kasi sobrang dami na rin po talagang banta saka bashers, eh. Una po sa lahat, nagkausap na po kami ni Tekla, para po sa bata na lang.
“Kasi po ayoko naman pong paglaki ng anak ko malaman niya po kung anong nangyari sa tatay niya, kung anong nangyari sa amin kaya po nag-ayos na kami ni Tekla,” ang sabi ni Michelle kay Tulfo.
“May pirmahan po kami. Pero hindi po ako nag-demand kung magkano yung suportang ibibigay niya sa bata. Siya na lang siguro ang bahala, Sir,” dagdag pa ni Michelle kasabay ng pagsasabing hindi na rin niya itutuloy ang pagdedemanda kay Tekla.
Nangako pa si Tulfo na bibigyan siya ng panggastos at babayaran ang upa sa tinitirhan nilang bahay dahil ilang buwan na silang hindi nakakabayad.
Pero bigla ngang nabaligtad ang sitwasyon dahil si Michelle na ngayon ang target ni Tulfo matapos itong tumanggi sa drug test na siya mismo ang naghamon noong kasagsagan ng galit niya kay Tekla.
“Umaatras ka na raw don sa hamon mo kahapon na ikaw ay magpapa-drug test through the hair?” tanong ng TV host-news anchor.
Tugon ni Michelle, “Opo Sir. Kasi po pinagalitan ako ng tita ko kahapon pagkatapos po ng interbyu. Sabi po kasi nila may binat pa raw po ako tapos huwag daw po munang ipagalaw yung buhok.”
“Michelle, Michelle, Michelle, mukhang sinunog mo ang sarili mo sa akin. Mabibinat ka? Eh, ang gagawin naman sa buhok, hindi yon bubunutin bagkus yon ay guguntingin lang.
“Sinabi na sa iyo ng staff yon. Paano ka mabibinat doon, eh, hindi naman yon hihilahin yung mga buhok mo, 100 hundred lang ng buhok mo, parang nagpagupit ka lang,” ang napapailing na sagot sa kanya ni Tulfo na ang tinutukoy ay ang follicle drug test.
Dito, mapapatunayan sa pamamagitan ng hair strands kung gumagamit pa ng droga ang isang tao dahil tumatagal ang drug substance sa buhok hanggang 90 days.
“Hindi mo lang sinunog yung sarili mo sa akin kundi ang ginawa mo nag-dive ka sa isang dagat na umaapoy. Very clear na sa akin, this is now an indication to me na meron ka talagang itinatago, you’re lying to me.
“Kasi alam mo, kapag sa urine puwede mong iwasan. Dito kasi, kapag 90 days malalaman kung gumagamit ka pa rin o hindi. Yung palusot mo, na sabi ng tita mo na mabibinat ka that’s bullsh*t,” talak pa ni Tulfo kay Michelle.
Sab ni Michelle puwede pa rin niyang ituloy ang drug test pero sabi sa kanya ni Tulfo, “Hindi na! Hindi na! Wala na. Kita mo ‘yan? Kasi, hamon ka nang hamon. Pinatulan ko yung hamon mo, hamon pa more!
“Yung sa anak mo, ipatatanggal ko rin dahil gagawa ng assessment ang DSWD, lilitaw na gumagamit ka pa rin, at ‘yan ay ibibigay kay Tekla.”
Nang magsimula nang humagulgol si Michelle, “No! No! Kahit umiyak ka ng dugo, wala na akong pakialam kasi huling-huli ka na. Hindi mo na ako madadala sa iyakan.
“Yun lang ang naging susi. Nabuksan yung mga itinatago mong kalokohan. Pandora’s box, ika nga. Ngayon, pati anak mo, mawawala sa ‘yo dahil ipapa-transfer ko ‘yan kay Tekla.
“Sapagkat nakikita ko, mukhang hindi ka karapat-dapat mag-alaga ng bata sapagkat gumagamit ka pa rin.
“Why? Dahil takot kang magpa-drug test! Meaning, you’re still using,” sabi pa ng TV host.
Samantala, may mga tagasuporta naman si Tekla na nagsabing paano naman daw yung damage na idinulot ng programa ni Tulfo sa komedyante?
Sana raw ay mabigyan din ng hustisya ang pagkasira ng imahe ng stand-up comedian nang dahil sa mga maling paratang ni Michelle. Oh, well desisyon na yan ni Tekla kung ano ang susunod niyang aksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.