Tropical Depression Quinta, bahagyang lumakas
Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Quinta habang papalapit ito sa Luzon at inaasahang tatama ito sa kalupaan ng Bicol Region sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga.
Sa loob ng 24 oras, posibleng lumakas pa ito at maging isang tropical storm, ayon sa ulat ni Benison Estareja, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ngayong Sabado.
Huling namataan si Quinta na may layong 885 kilometro sa silangan ng Catarman, Northern Samar.
May taglagy itong hangin na 55 kilometro kada oras, na bahagyang lumakas mula sa dating 45 kilometro kada oras. May bugso ito ng hangin na 70 kilometro kada oras.
Mabagal na kumikilos si Quinta sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Tinatayang magla-landfall ito sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga sa lugar ng Albay o Catanduanes.
Ayon kay Estareja, si Quinta ay inaasahan na magiging mas malakas kesa sa mga nagdaang bagyo.
Pinagbabawalan ang paglalayag ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa western seaboard ng Luzon dahil sa malalaking alon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.