Dimples niregaluhan ng townhouse ang kasambahay: Hindi n’ya kami iniwan…

By Ervin Santiago October 18,2020
share this

Dimples niregaluhan ng townhouse ang kasambahay: Hindi n’ya kami iniwan…

By Ervin Santiago October 18,2020 - 10:57 AM

“ITO ang pasasalamat namin sa iyo, Ate V, sana nagustuhan mo.”

Yan ang mensahe ni Dimples Romana at ng asawa niyang si Boyet Ahmee nang regaluhan ang kanilang kasambahay ng 2-bedroom townhouse.

Halos 17 years nang nagseserbisyo si Vilma o Ate V sa pamilya nina Dimples kaya naisipan nila ng kanyang mister na sorpresahin ito nang bonggang-bonggang regalo.

Sa kanyang latest vlog, ipinakita ng aktres ang naging reaksyon ng kasambahay nang sabihin na nilang binili nila ang townhouse para sa kanya na tinawag pa niyang “biggest blessings in life” ng kanilang pamilya.

Siyempre, shocked si Ate V sa surprise nina Dimples kasunod ang kanyang pagluha at hindi nga makapaniwala na may sarili na siyang bahay at townhouse pa.

Mapapanood sa vlog ni Dimples ang pagsama sa kanila ni Ate V patungo sa nasabing bahay. Ang sabi ng aktres, gusto nilang marinig ang opinyon ng kasambahay sa bibilhin nilang mag-asawa para parentahan.

Pagdating sa nasabing unit, inilibot nga ng mag-asawa si Ate V sa loob.

Gandang-ganda naman ang kasambahay sa nasabing townhouse at aprub sa kanya kung bibilhin na ito nina Dimples na patuloy pa rin ang pagpapanggap sa harap ni Ate V.

Nang marating na nila ang second floor at pasukin ang master’s bedroom, dito na napahinto si Ate V. Nakita niya ang kanyang standee sa loob at ang mga nakadikit na gold letter balloons sa dingding ng kwarto na nagsasabing,

“OO PARA SAYO ITO.”

Hashtag #shookt nga ang “angel” nina Dimples habang tumatawa sabay napasigaw ng, “Oy, ano ba yan? Oy, bakit ako? Para sa akin ba yan?”

Umoo naman sina Dimples at Boyet habang tuwang-tuwa sa naging reaksyon ni Ate V. Ang sumunod na eksena, umiyak na si Ate V kaya naluha na rin ang mag-asawa.

Sey pa ng kasambahay habang tumutulo pa rin ang luha, “Hala, akala ko…bakit ako? Hindi ko inasahan. Akala ko ipaparenta ito, bakit sa akin pala? Dimps, ano yan? Di ko inasahan yan, Diyos ko po! Hay, nako, maraming maraming salamat po!”

“Ano ba yan? Ano yan? Ano ito? Para akong baliw dito! Thank you, thank you sa inyong dalawa, pati sa mga bata, sina Alonzo at Callie. Baka hindi ko na alam ang timpla ng adobo dahil sa surprise na ito. Walang pasabi, Diyos ko, ginoo, thank you Lord,” ang hindi pa ring makapaniwalang sabi ni Ate V.

Ibinahagi rin ni Dimples sa Instagram ang teaser ng kanyang vlog na may caption na, “Itinuring na nya kaming pamilya at pamilya na din namin sya.

“Kasama namin s’ya sa kalungkutan, kaguluhan, sa pagpupursigi at sa tagumpay. Kasama na namin sya nu’ng nagsisimula pa lang kami.

“Puro dasal at pangarap pa lang kami nu’n. Nagsisimula pa lang mag-ipon.

“I would always ask her and tell her pwede na nya kaming iwan dahil nahihirapan na kami to give her her salary…

“And yet through thick and thin, hirap at ginhawa, sa meron at wala, hindi n’ya kami iniwan.

“Hindi namin maaabot ang mga pangarap namin, kung walang ‘Ate V’ kaming kaagapay sa araw araw na pamumuhay,” mensahe pa ni Dimples.

“Mahal na mahal ni Ate V ang mga bata. Punumpuno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos dahil ngayon, maibabalik na namin sa kanya ang lahat ng pagmamahal at taon na ibinuhos nya sa amin,” ang pahayag pa ng aktres.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending