13 pa lang si Ruffa nililigawan ko na, hanggang ngayon hindi pa rin ako sinasagot

By Reggee Bonoan October 15,2020
share this

13 pa lang si Ruffa nililigawan ko na, hanggang ngayon hindi pa rin ako sinasagot

By Reggee Bonoan October 15,2020 - 03:48 PM

PARA kaming dumalo ng awards night dahil halos hatinggabi na natapos ang ginanap na virtual mediacon para sa digital movie na “The House Arrest of Us” kagabi.

Maraming bukingang nangyari sa cast members kaya napakasarap ng kuwentuhan sa pangunguna ng mga bidang sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Scene-stealer sina Ruffa Gutierrez at dating Mayor ng Quezon City na si Herbert Bautista dahil nalaman ng media na type pala ng huli ang una kaya umaatikabong tuksuhan at tawanan ang nangyari na in-enjoy naman ng media.

Tinanong ang mga babaeng kasama sa pelikula na sina Ruffa Gutierrez, Arlene Muhlach, Riva Quenery at Alora Sasam kung anong klaseng wedding proposal ang gusto nila, matagal na naplano o ‘yung biglaan na tanong at kailangan ng agarang sagot.

“Ako, usapang marriage, kung iisipin, ‘yung proposal spontaneous okay lang sa akin pero ‘yung mismong marriage dapat talaga pinaplano,” sagot ni Riva.

Sey ni Alora, “Feeling ko paghandaan agad lalo na financially. Ha-hahaha! Feeling naman may magtatanong!”

“Would I like to be surprised? Definitely, as a woman, as a lady I’d like to be surprised, taken off my feet magkandaiyak-iyak ako sa proposal niya. Gusto ko ‘yung halos hindi na ako makahinga, I think that was every girl wants,” sabi ni Arlene.

Ayon naman kay Ruffa, “Well, sa panahong ngayon siguro kailangan talaga dapat planuhin dahil ikinasal na ako noon, so dapat mag isip-isip muna ako kung ito ba talaga ang gusto ko para sa future ko and of course gusto ko ng bongga ‘yung proposal kahit hindi na masyadong extravagant ang proposal as long as meaningful. That’s all.”

Biglang humirit si Alora ng, “Hayan may nagte-take down notes!”

Sabi rin ng host na si Robbie Domingo, “May sasabihin po yata si sir Herbert?”

“Thank you Robbie, so anong plano mo Ruffa?” hirit ni Bistek na ikinatawa ng lahat.

“Hoy DJ, ‘wag kang maingay diyan!” sita ni Bistek kay Daniel.

Sagot ni Ruffa, “Grabe, wala akong plano sa ganyan muna.”

Palambing na tanong ni Herbert, “Bakit naman?”

Ibinalik ni Ruffa ang tanong, “Ikaw, tanungin kita Mayor bakit hanggang ngayon hindi ka pa ikinakasal at nakailang proposal ka na sa ibang babae, tama ba? At isa pa sa abroad?”

Sumingit si Alora, “Oh my God! Grabe si Ms. Ruffa nag-research.”

Hirit ulit ni Ruffa, “Ginu-Google na kita Mayor!”

“Well, alam mo Ruffa ikaw lang hinihintay ko. Mamaya na natin pag-usapan ‘yan,” seryosong sagot ni Bistek. “DJ ‘wag kang maingay diyan!” sita ulit nito sa bidang aktor ng pelikula.

Hirit din ni Robbie, “Ang tanong, milyong peso question, Mayor may plano nga ba (magpakasal)?”

“Alam mo, si Ruffa nu’ng 13 years old, nililigawan ko na, hanggang ngayon hindi pa rin ako sinasagot,” seryosong sabi ni Mayor Herbert.

Tumawa naman nang tumawa si Ruffa, “Can you answer seriously?”

“Uy, gustong malaman ni Ms. Ruffa,” natatawang sabi ni Robbie.

Tawa rin nang tawa sina Daniel at Kathryn kasama ang iba pang cast ng “The House Arrest of Us” dahil biglang nanligaw sa zoom-con si Bistek.

“Okay next question,” sabi ni Ruffa na halatang umiwas sagutin ang sinabi ni Bistek na bata palang ay nililigawan na siya nito.

“Ay, change topic, change topic!” hirit ni Herbert sabay turo kay Ruffa sa monitor.

Sundot na tanong ni Robbie, “Ms. Ruffa, open po ba ang doors ninyo just in case si Captain Barbell (karakter na ginampanan ni HB sa pelikula niya noon) ay lumuhod (mag-propose)?”

“Grabe naman hindi pa nga kami masyadong close! Puwedeng maging friends muna kami ng bonggang-bongga? I have known kuya Herbert, kuya talaga. Ha-hahaha! (tawanan ang lahat)”

“Kilala ko kasi si Mayor noong bata pa ako, 13 palang ako noon. Kasama ko siya sa second movie ko na Takbo, Bilis, Takbo bilang bestfriend ng kuya Monching (Gutierrez), pero you know, I’m happy to work with him again,” kuwento ni Ruffa.

Sagot naman ni HB, “Pero alam mo, I’m so happy also got to work with Ruffa, Arlene with Jennings, Riva, everybody else and of course I have this opportunity to work with DJ and Kath because wala ng pinaka-matinding loveteam ngayon kundi sila, tapos ang gagaling nilang mga artista.”

Biglang hirit ni Robbie, “Ang sumunod na trending ngayon bukod sa KathNiel, nakita ko nagte-trending na ang Rubert (Ruffa at Herbert).”

Naghiyawan ang lahat at sabay sabi ni Ruffa, “Rubert?”

“Yes, at ang loveteam na ito ay malaki ang potential,” sambit ni Robbie.

Biglang sabi ni Ruffa, “Parang mas cute ang Rustek.”

Nagulat ang lahat sa hirit ng aktres, “Ay pinag-isipan na!” sabi ni Alora.

“Ay gusto talaga ah, kuya-kuya lang, mamaya engaged na,” birong hirit ni Robbie.

At para mapanood ang magandang samahan ng lahat na sabi nga nina DJ at Kathryn ay hindi mabubuo ang pelikula kung kulang dahil bawa’t isa ay nagbigay ng kakaibang saya sa bawa’t isa at eksena.

Mapapanood na ang “The House Arrest of Us” sa KTX (Oct. 24) at iWant-TFC (Oct. 25) mula sa direksyon ni Richard Arellano handog ng Star Cinema.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending