Kapatid ni Arnel Pineda arestado sa buy-bust operation sa Quezon City
Arestado ang nakababatang kapatid ni Journey lead singer Arnel Pineda matapos magbenta ng shabung nagkakahalaga ng P23,000 sa mga undercover operatives sa Quezon City nitong Martes ng gabi.
Nakumpiska mula kay Rusmon Pineda, 51, at sa kasamahan niyang si Rojimar Frilles, 30, ang may 20 gramo ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Obrero, ayon sa ulat ni Lt. Col. Bernouli Abalos, station commander sa Kamuning police station.
Kinumpirma ni Abalos na si Pineda ay kapatid ng sikat na frontman ng American rock band na Journey.
Sa ulat ng pulisya, isang regular informant umano ang nagsumbong sa presinto hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga ni Rusmon Pineda. Si Pineda ay may asawa at nagtatrabaho bilang chef.
Kasalukuyang nakakulong sina Pineda at si Frilles sa Kamuning police station habang inihahanda pa ang kaso laban sa kanila kaugnay sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.