Tekla nag-promise kay Lord kapalit ng buhay ni Baby Angelo: Luluhod ka talaga sa Kanya
MAY ipinangako ang Kapuso comedian na si Super Tekla kay Lord kapalit ng buhay ng kanyang bunsong anak na si Baby Angelo.
Unti-unti nang bumubuti ngayon ang kondisyon ng bata matapos sumailalim sa ilang operasyon dulot ng anorectal malformation o walang butas ang pwet.
“Si Baby Angelo ngayon, after two months na ganu’n, ‘yung sitwasyon niya na may multiple congenital anomalies, hindi nag-develop masyado ‘yung baby habang nasa womb ng mommy niya,” pahayag ng komedyante sa isang vlog ni Ogie Diaz.
Ayon kay Tekla, hindi niya nakasama ang kanyang partner at nanay ni Baby Angelo sa unang trimester ng pagbubuntis nito.
“Yung first three months ng pagbubuntis ng mommy, ‘yan talaga ‘yung pinaka-crucial na stage. Wala siya sa akin nu’ng time na ‘yun.
“Nu’ng una nagalit ako pero mas nag-focus na lang ako sa kung ano ‘yung mga dapat gawin para maka-survive si Angelo,” aniya pa.
Napakaraming na-realize ng Kapuso TV host-comedian nu’ng ipanganak ang kanyang bunso, at inamin niyang takot na takot siyang mawala ang bata sa kanya.
“Hindi siya pagsubok, isa siyang malaking hampas sa akin, luluhod ka talaga (sa Diyos). Ito ang big realization ko. Ang kagandahan lang, hindi niya ibinigay nang walang solusyon,” lahad pa niya.
Nag-promise rin daw siya sa Diyos kapalit ng paggaling ni Baby Angelo, “Yun ang iniyak ko sa Kanya. Sabi ko, ‘Lord, marami akong pagkakasala, ibigay mo lang sa akin si Angelo. Ito lang hinihiling ko, lahat ilalapag ko.'”
Samantala, napaluha naman si Tekla nang magbigay ng mensahe para sa kanya ang panganay niyang si Theora sa pamamagitan ng isang video na pa-surprise ni Ogie sa kanya.
“Daddy, kahit malayo siya at hindi kami magkasama. Palagi kami nag-uusap at pinapaalala niya na maging mabuti ako sa lolo at lola ko na nag-aalaga sa akin ngayon.
“At ‘yung responsibilidad niya sa akin hindi niya nalilimutan. Mahal na mahal ko po ang daddy ko at lagi ko ipinapangako na pagbubutihan ko ang aking pag-aaral para ako naman ang mag-aalaga sa kanya balang araw.
“Lagi kang magpapakatatag, daddy. Manalig ka kay Lord. Nandito lang ako laging nakasupporta sa ‘yo at sa kapatid ko,” ang kabuuan ng mensahe ni Theora sa kanyang tatay.
Sagot naman sa kanya ni Tekla habang tumutulo ang luha, “Sobrang proud na proud ako sa batang ito kasi ang ganda ng pagpapalaki sa kaniya.
“Walang galit sa puso ‘yung bata. Isa ‘yan sa mga yaman ko talaga,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.