Reno humingi ng paumanhin, sinimulan nang ayusin ang rehistro
Humingi ng paumanhin ang kumpanyang gumagawa ng Reno Liver Spread dahil hindi nito naasikaso ang rehistro ng kaniyang produkto, ayon sa Food and Drug Administration.
Sinabi ni Eric Domingo, director general ng FDA, na sinimulan nang asikasuhin ng Reno Foods Incorporated ang rehistro ng popular na liver spread.
“Nagrehistro po sila nung 2017 para kumuha ng license to operate as a manufacturer of food at pumasa naman po yung kanilang factory,” sinabi ni Domingo sa panayam ng Teleradyo ngayong Miyerkules.
Pero sinabi ni Domingo na hiwalay pa ang pagpaparehistro ng mga produkto ng isang kumpanya at ito ang hindi nagawa ng RFI.
“Sumulat naman sila at nagpaumanhin dahil nga hindi daw sila nakapagrehistro ng produkto nila,” wika pa niya.
Noong Setyembre 17, nagbabala ang FDA na huwag ibenta at gamitin ang Reno Liver Spread dahil hindi ito rehistrado at sa gayon ay hindi dumaan sa masusing pagsusuri ng FDA.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9711, na lalong kilala sa “Food and Drug Administration Act of 2009,” ang paggawa, importasyon, pag-advertise, at pagbebenta ng mga hindi rehistradong produkto ay ipinagbabawal ng batas.
Sinabi ni Domingo na sinimulan nang ayusin ng RFI ang rehistro ng Reno.
“Alam ko po noong isang araw, sila’y nagsubmit na ng kanilang application for registration,” wika pa ng hepe ng FDA.
“Hinihintay pa pong ma-complete nila lahat ng requirement. Pagkatapos po makumpleto ang mga requirements, mabilis ang approval sa FDA,” ani Domingo.
Sinabi niya na kailangang pumasa ang produkto sa iba’t ibang pagsusuri, kabilang na ang safety tests, bago mabigyan ng permisong maibalik sa merkado.
“May mga test po tayo na hinihingi. Unang una, to make sure na malinis at saka walang bacteria yung pagkain. Pagkatapos pag nasa lata [ang pagkain] may mga chemicals po tayo na pinapatest sa mga pagkain na de lata to make sure na wala yung chemicals sa pagkain,” paliwanag ni Domingo.
“Once na napakita nila na pumasa sa lahat ng standard, makakabalik naman po sila para magtinda ulit,” wika pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.