Pokwang may hugot sa tunay na kaibigan; hot momma, PA ng artista rambulan sa game show ng TV5
PINUSUAN at umani ng sandamakmak na likes ang hugot ni Pokwang sa pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan.
Nag-post kasi ang Kapatid comedienne sa Twitter ng maikling mensahe tungkol sa isang bagay na ipinagpapasalamat niya sa panahon ng pandemya.
Yan ay ang pagkakataon na makilala niya kung sinu-sino sa mga taong nasa paligid niya ang matatawag niyang totoo at kung sino ang mga fake.
Ani Pokey, “Sa isang banda nagpapasalamat ako sa pandemia na ito dahil nalaman ko at nakilala ko sino talaga tunay kong kaibigan bukod sa pamilya ko. Thank you papa God.”
Maraming netizens ang sumang-ayon sa komedyana at nagsabing relate na relate sila sa kanyang naging pahayag.
Ayon sa ilan niyang Twitter followers, nakilala nila sa ilang buwang pagsasailalim sa community quarantine ang bansa kung sino sa mga itinuturing nilang kaibigan ang doble-kara at walang sinseridad sa kanilang friendship.
May ilang netizens naman ang nagpahayag na dumami bigla ang friends nila ngayong panahon ng health crisis pero ang ending — uutangan lang pala sila at hihingi ng kung anu-ano.
Samantala, kung may isang celebrity na inuulan ng blessings sa kabila ng pandemic, yan ay walang iba kundi si Pokey.
Super busy ngayon ang TV host-comedienne sa dalawa niyang shows sa TV5, ang morning talk na “Chika BESH” with Pauleen Luna and Ria Atayde at ang game show na “Fill In The Bank” kung saan kasama naman niya bilang host si Jose Manalo.
This week, mga PA o personal assistants ng mga artista at celebrity hot mommas ang magpapasaya sa patok na game shows ng TV5.
Makakasama sa “Fill in the Bank” at “Bawal na Game Show” ang mga karakter na nag-viral sa social media at mga Gasoline Boys .
Tampok sa “Fill in the Bank” ang Gasoline Boys ngayong Lunes, Sept. 28. Sisikapin nilang makamit ang top prize na P150,000.
Pinays na may mga asawang AFAM naman ang bibida sa “Bawal na Game Show” gamit ang Ayuda Teh! Machine (ATM) at Panghakot na Papremyo Equipment (PPE).
Sa Oct. 2, tampok sa “Fill in the Bank” ang mga personal assistant ng mga artista tulad nina Aleli (PA ni Paulo Avelino) at Liezel (PA ni Ogie Alcasid).
Patuloy naman ang pagbibigay saya at ayuda nina “Manedyer” Jose Manalo and “Madam Poky” Pokwang habang ginagabayan ang mga kalahok sa mga larong Enter your Pin Code, Cheque or X, Gold Rush, at Huli Cash.
Mas lalong pinalaki ang pot sa Gold Rush round at may multipliers na puwedeng mag doble ng mapapanalunang papremyo. Mapapanood ang “Fill in the Bank” tuwing Lunes, Miyerkules, at Byernes 7:30 p.m. sa TV5.
Ang mga nag-viral naman sa social media na sina Elijah Kean Ramos, Jan Marini Capacio at Raymund Papellero ang mga bagong pasaway sa “Bawal na Game Show” sa Sept. 29.
Wedding singers naman ang mga kalahok sa “Bawal na Game Show” sa Oct. 1.
Bibdia ang celebrity hot mommas na sina Aubrey Miles, Regine Tolentino, Geneva Cruz, at Patricia Javier sa Oktubre 3 habang nakikigulo sa Ghorl Twins na sina Wally Bayola and Paolo Ballesteros.
Sasabak ang mga hot mommas sa “Bawal Ma-Fall,” “Bawal ang Da Moves,” “Bawal ang Sablay,” at “Bawal ang Sumuko.”
Huwag palampasin ang “Bawal na Game Show” tuwing Martes at Huwebes 7:30 p.m. at tuwing Sabado 7 p.m. sa TV5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.