Babala ng Phivolcs: Lugar ng Bulacan airport project bahain, mapanganib sa pagyanig
Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang lokasyon ng panukalang P736-bilyong international airport project sa Bulacan ay bahain at bulnerable sa malakas na pagyanig ng lupa.
Sa pagdinig ng Senate public services committee sa airport franchise noong Miyerkules, sinabi ni Phivolcs director Renato Solidum na ang lugar na pagtatayuan ng New Manila International Airport sa baybaying bayan ng Bulakan ay pangunahing nasasapnan ng buhangin at ang water table ay napakababaw.
Dahil sa ganitong katangian ng lupa, bantad ang lugar sa geohazards, kabilang na rin ang liquefaction, bagamat malayo ang airport project sa Valley Fault System na naghahati sa Luzon, ayon pa kay Solidum.
“The multi-billion airport project is sitting on soft ground and the location is prone to frequent flooding,” ani Solidum.
Ipinaliwanag niya na ang river environment na ito ay nangangailangan ng special engineering interventions upang ang mga gusali at imprastraktura ay maging matatag sa mga panganib na dulot ng lindol o malakas na pag-ulan.
“The area chosen for the project stands on tender ground susceptible to shaking and liquefaction, and the flooding remains a big concern because the project site is a part of Bulacan known to easily submerge in water during heavy rains,” paliwanag pa ng Phivolcs director.
Sinabi ni Solidum na para matuloy ang proyekto, kailangan nito ng disaster risk reduction at business continuity protocols, maliban pa sa pagtatayo ng tamang drainage system.
Siniguro naman ng San Miguel Corporation, ang project proponent, na ang mga isyung inilahad ng Phivolcs director ay naisaalang-alang na sa plano.
Ayon kay Melissa Encanto-Tagarda, head ng government relations unit ng SMC, kumuha ang kompanya ng foreign partners na eksperto sa airport construction at safety designs.
Itatayo ang panukalang international airport sa isang 2,500 hectare property sa Bulakan, Bulacan na tatawaging SMC Aerocity. Binigyan ito kamakailan ng prangkisa ng House of Representatives at humihingi ngayon ng Senate approval.
Ang prangkisa ay nagpapahintulot sa SMC na magtayo at mag-operate ng four-runway air facility para sa domestic at international flights sa loob ng 50 taon, kabilang ang tax reliefs sa panahon ng pagtatayo nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.