48th Anniversary ng Martial Law at ang REVGOV
Ginunita ng mga ibat-ibang grupo, kontra at sang-ayon, noong Lunes (September 21, 2020) ang 48th Anniversary ng pag-deklara ng Martial Law, bagamat, kontra sa paniwala at sinasabi ng karamihan, ang Martial Law ay dineklara sa buong Pilipinas ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong September 23, 1972 at hindi September 21, 1972.
Ayon kay dating Pangulong Marcos, binaba nya ang Martial Law para mapigilan at puksain ang rebellion, karahasan sa kawalan ng batas (lawless violence ) at pag-aalsa (insurrection) at ang naging legal na batayan niya ay ang Article 7, Section 11(2) ng 1935 Constitution.
Sunod-sunod na pag aresto ang nangyari matapos ideklara ang Martial Law na isinagawa ng militar sa mga kakilalang personalidad sa politika, media, labor sectors, student group, at iba pa na mga pawang kontra o kaaway ng dating Pangulong Marcos o ng kanyang administrasyon.
Karamihan sa mga inaresto ay nagtagal sa kulungan ng walang kasong isinampa. Ilan ay kinasuhan at nilitis sa isang Military Court maski ang mga kinasuhan ay hindi miyembro ng militar.
Pinasara din ng dating Pangulong Marcos ang Kongreso at mga ibang media outlet at establishment tulad ng ABS-CBN. Kasama din dito ang mga iba’t-ibang pangunahing pahayagan noon gaya ng Manila Times, Manila Chronicle, at iba pa na mga kritikal sa kanya administrasyon.
Nanatili ang Martial Law hanggang 1981 at napaalis naman sa pwesto ang dating Pangulong Marcos sa isang mapayapang Edsa Revolution.
Nang binabalangkas o ginagawa ang 1987 Constitution, tiniyak naman ng mga Commissioners ng Constititional Commission (ang naatasan noon na bumalangkas at gumawa ng 1987 Constitution) na ang mga abusong nangyari at naganap noong ibinaba ang Martial Law noong 1972 ay hindi na mangyayari at magaganap.
Sa ating 1987 Constitution, maaari lang ideklara ng Pangulo ang Martial Law kung may paghihimagsik (rebellion) o pagsalakay (invasion) na nagaganap. Hindi sapat ang isang pag-aalsa (insurrection) o karahasan sa kawalan ng batas (lawless violence) na pinapayagan noon sa 1935 at 1973 Constitution para ideklara ang Martial Law. Lalo naman hindi pwedeng ideklara ang Martial Law dahil sa pagsalakay (invasion) ng COVID-19 gaya ng pananaw at minumungkahi ng isang mataas na opisyal. Ang pagsalakay na tinuturing ng Constitution ay isang pagsalakay ng mga dayuhan (foreign invasion) sa atin bansa sa pamamagitan ng dahas o giyera.
Kung noon ay naipasara ni dating pangulong Marcos ang Kongreso, tiniyak naman ng 1987 Consitution na ang Kongreso ay mananatiling bukas at gagana maski dineklara ang Martial Law. Sa loob ng apatnapu’t walong (48) oras matapos ideklara ang Martial Law, ang Pangulo ay inatasan ng 1987 Constitution na mag report o ipaalam sa Kongreso ang pagdeklara ng Martial Law. May kapangyarihan naman ang Kongreso na bawiin (revoke) o ipawalang bisa, kung nanaisin nito, ang pagdedeklara ng Martial Law. Ang pagbawi o pagpapawalang bisa ng Martial Law ng Kongreso ay hindi naman maaaring baliktarin o isang tabi ng Pangulo.
Tiniyak din ng 1987 Constution na hindi dapat tumagal ng animnapung (60) araw ang Martial Law bagamat bingyan ng kapangyarihan ang Kongreso na palawigin (extend) ang Martial Law kung hihilingin ng Pangulo at kung ang himagsikan at pananakop ay nananatili.
Ang mga korte naman ay mananatiling bukas at gagana sa panahon ng Martial Law at binigyan ng 1987 Constitution ang Supreme Court ng kapangyarihan suriin ang naging batayan (factual basis) sa pag deklara ng Martial Law at sa paglawig o extension nito. Maaaring maghain ang sino mang Filipino citizen sa Supreme Court upang tutulan ang pagdeklara ng Martial Law o paglawig nito at ang nasabing korte ay mayroon lamang tatlongpung (30) araw na desisyonan ito.
Bukod sa mga nabanggit na bagong patakaran ( procedural requirement) na tinakda sa Article 7, Section 18 ng 1987 Constitution, marami din mga bagong provisions ( substantial rights) sa Constitution at ilang batas na ang layunin ay protektahan ang mga tao sa pang aabuso sa panahon ng Martial Law.
Dapat sana natin tandaan na ang mga proteksyon na tinakda ng Constitution, kasama na ang mga ibat-ibang kasalukuyang batas, kontra o para mapigilan ang pang aabuso sa panahon ng Martial Law ay maaaring epektibo o mabisa lang sa isang Pangulo na gumagalang ng batas.
Walang silbi ang mga ito sa isang Pangulo na hindi kumikilala ng batas at determinadong manatili sa pagka pangulo habang buhay. Sa ganitong klase ng pangulo, siya ang batas at hindi niya kikilalanin ang ano mang batas kasama na ang Constitution.
Dito magaganap, na sana huwag naman mangyari, ang kinakatakutang Revolutionary Government na sinusulong ng ilan para lang sa kanilang interest at manatili sa kanilang mga pwesto sa gobyerno.
Ang Revolutionary Government ay hindi kinikilala ng Constitution. Ito ay labag sa Constitution. Magtatatag lang ito ng isang diktaduryang pamahalaan na mas masahol pa sa isang Martial Law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.