JC Tiuseco nakuha na ang college diploma after 11 years; BTS, Beyonce hataw sa Hallypop
AFTER 11 years, nakuha na rin sa wakas ng Kapuso actor na si JC Tiuseco ang kanyang college diploma.
Excited na ibinandera ng aktor sa kanyang Instagram page na hawak na niya ang diploma mula San Sebastian College-Recoletos, 11 years after his graduation.
Nagtapos si JC ng Bachelor of Science in Commerce noong May, 2009, isang taon matapos siyang manalo sa unang season ng reality-TV show na “Survivor Philippines.”
Ipinost ni JC sa IG ang litrato ng kanyang college diploma at nilagyan ng caption na, “Diploma! So, after 100 years, kinuha ko na to dahil mas pinili ko mag-taping kaysa mag-attend ng graduation.
“Naging basketball player, model, track and field athlete, survivor, and actor pero tinapos ko to kasabay ng lahat ng nangyayari.
“Salamat sa lahat ng tumulong along the way,” aniya pa.
Bago sumabak ang Kapuso actor sa “Survivor Philippines Season 1” ng GMA 7, isa siya sa mga panlaban sa basketball ng San Sebastian College Stags para sa NCAA.
Pagkatapos maging grand winner sa “Survivor Philippines”, nakagawa rin siya ng ilang teleserye sa GMA. Ilang taon lang ang lumipas, nagpakasal sila ng abogadong si Alu Dorotan at biniyayaan ng apat na anak — sina Ila, Irie at ang kambal na sina Tali at Eli.
* * *
Simula ngayong araw (Sept. 20), humanda sa kakaiba at mas pinagandang viewing experience hatid ng Hallypop.
Sa tulong ng GMA Network, nandito na sa Pilipinas ang sikat na Asian pop culture channel kung saan maaaring mapanood 24/7 ang international concerts, trending music videos, at patok na shows tulad ng “Running Man”, “Music Bank”, “JYP’s Party People, at marami pang iba!
Sa katunayan, mapapanood ngayong Linggo sa sikat na South Korean variety show na “Running Man” ang guesting ng Korean group na BTS at ng heartthrob na si Park Bo-gum.
Kaabang-abang din ang makapigil-hiningang concerts ng Grammy-award winning performers na U2 at si Beyoncé na mapapanood sa programang Hallystage.
Marami pang dapat abangan sa Hallypop kaya huwag nang magpahuli at i-rescan na ang GMA Affordabox o iba pang digital TV receivers para mapanood ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.